You are on page 1of 23

State of the Nation Address

of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa
Complex, Quezon City, on July 28, 2014]
Bise Presidente Jejomar Binay; dating Pangulong Fidel Valdez Ramos; Senate
President Franklin M. Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano Belmonte
Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria Lourdes Sereno
at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng
kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete; mga opisyal ng lokal na
pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang kawani mula sa ating
unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga
Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikalimang SONA, isa na lamang ang natitira. May kasabihan po tayo:
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan. Kaya
marapat lang po siguro tayong magbalik-tanaw:
Noon, sa sitwasyon natin: Para bang kahibangan ang mangarap. May burukrasyang
walang saysay, patong-patong ang tongpats, at bumubukol ang korupsyon sa sistema.
Naturingan tayong Sick Man of Asia. Ang ekonomiya natin, matamlay; ang industriya,
manipis. Walang kumpiyansang mamuhunan sa atin pong bansa. Ang resulta:
kakarampot ang trabahong nalilikha. Dinatnan nating tigang sa pag-asa ang
mamamayang Pilipino. Marami sa atin ang sumuko at napilitang makipagsapalaran sa
ibang bansa. Nakayuko na lamang nating tinanggap: Talagang wala tayong maaasahan
sa ating pamahalaan at lipunan.
Nalugmok nga po ang Pilipinas dahil sa labis na pamumulitika. Naglaho ang pananalig
natin sa isat isa, humina ang kumpiyansa sa atin ng mundo, at ang pinakamasakit:
Nawalan tayo ng tiwala sa ating mga sarili.
Sa puntong ito natin sinimulan ang pagtahak sa tuwid na daan.
Bilang ama ng bayan, nakaatang sa aking balikat, hindi lang ang mga suliraning ating
dinatnan at mga lumilitaw sa kasalukuyanobligasyon ko ring paghandaan ang
kinabukasan. Sa bawat sandali, kailangan kong isaalang-alang ang interes at punto-de-
bista ng lahat. Isipin na lang po ninyo: Para kang nanonood ng 200 channel sa
telebisyon nang sabay-sabay. Kailangan, alam mo, hindi lang ang kasalukuyang
nagaganap, kundi ang pinanggalingan at paroroonan ng nilalaman ng bawat channel.
Bawal malito, at kailangan, may tugon ka sa anumang tanong, suhestiyon, at
kritisismoat dapat sagutin mo ito, bago pa iharap sa iyo.Hindi po madali ang
trabahong ito, at tao lang po ako, na kung minsan, nagkakaroon din ng agam-agam.
Ngunit buo ang aking loob dahil malinaw ang aking pangunahing layunin: Ang ibalik ang
gobyerno sa dapat nitong tuonang paglingkuran ang taumbayan sa lahat ng panahon.
[Palakpakan]
Di po bat may kasabihan tayo: Bigyan mo ng isda ang tao, at mapapakain mo siya ng
isang araw. Turuan mo siyang mangisda, at habambuhay niyang mapapakain ang sarili
niya. Halimbawa nito ay ang TESDA. Sa Training-for-Work Scholarship Program, nag-
ambag ang DAP ng 1.6 billion pesos. Nakapagpatapos po ito ng 223,615 benepisyaryo.
66 percent po nitoo katumbas ng 146,731 graduatesang nagtatrabaho na ngayon.
Iyon naman pong 34 percent na natitira, tinutulungan na rin ng TESDA na makahanap
ng trabaho. Tingnan po ninyo: Lahat po ng mga TESDA scholar, nakalista ang
pangalan at iba pang datos, na puwede ninyong kumpirmahin. [Palakpakan]
Kung hahatiin natin sa bilang ng graduates ang naipagkaloob na pondo, pumapatak ng
7,155 pesos ang naipuhunan ng pamahalaan para sa training ng bawat scholar. Sa
BPO sector, mababa na ang kitang 18,000 piso kada buwan. Kada taon, kikita siya ng
234,000 pesos. Ibigay man ang maximum tax deduction, ang magiging income tax niya
kada taon: 7,900 pesos. Ibig-sabihin, ang pinuhunan ng estadong 7,155 pesos, sa
unang taon pa lang, nabawi na, may sobra pa. Ito, at ang lahat ng ibubuwis ng ating
scholar hanggang magretiro siya, ay magbibigay naman sa kanyang kababayan ng
parehong pagkakataon. Ito po ang mabuting pamamahala [Palakpakan]: May tama
pong intensyon, pamamaraan, at resulta. Lahat panalo.
Pakinggan po natin ang kuwento ng dalawang TESDA graduate:
Pag naabot mo na yong pangarap mosuccess, hindi naman stable yon e. You need to work
hard for it.
Ako po si Marc Joseph Escora. Ako po ay isang high school graduate. And through TESDAs
help, I have my career in the BPO [business process outsourcing] industry right now.
I stayed in Libertad public market for seven years. Nagba-barker po ako. Hindi kaya ng pamilya
ko na pag-aralin kami nang sabay, so I need to find another way para makapagtapos ako.
Most important thing na natutunan ko is yung confidence to interact with other people. Pag
nakita ka ng tao na may kapansanan ka, hindi na nila ni-look forward yung ability mo ba.
Kailangan lang natin ng tiwala sa sarili.
If TESDA is not there to help out, siguro wala rin ako ngayon kung nasaan man ako ngayon.
Yung way of living namin, masasabi kong mas okay siya compared noong dati.
- Marc Joseph Escora, TESDA beneficiary [panoorin ang video]
Dahil sa TESDA, napabilis yung pag-aaral ko, paghahanap ko ng trabaho, at ang pagtulong ko
sa pamilya ko.
Ako po si Jonnalyn Navarossa, Technical Trainer ng Toyota Motor Philippines. Ako po yung
naging overall topnotcher ng batch 1 sa automotive servicing sa TESDA Region 4-A. Napili ko
po yung automotive servicing kasi po pangarap kong maging isang mechanical engineer. So
para makapagtrabahot magkapag-ipon, nag-TESDA po ako.
Nakasanayan na po natin na ang auto mechanic ay trabahong panlalaki lang. Pero napatunayan
ko na basta masipag at determinado, magkakaroon tayo ng dekalidad na produkto. Dahil sa
TESDA, tumatak po sa akin ang kahalagahan ng dekalidad at mahusay na pagtatrabaho. Mas
tumaas yung tiwala ko sa aking sarili, at mas masarap nang mangarap nang malaki.
- Jonnalyn Navarossa, TESDA beneficiary [panoorin ang video]
[Palakpakan]
Nasimulan na rin po natin ang Expanded Conditional Cash Transfer Program nitong
Hunyo 2014, na may pondong 12.3 billion pesos. Ngayon, suportado na rin ng estado
hanggang umabot ng 18 taong gulang ang benepisyaryo. May magtatanong, Bakit?
Batay po kasi sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, 40 percent
ang dagdag na sinasahod ng high school graduate, kumpara sa grade school lang ang
natapos.
Namumuhunan po tayo sa pinakamahalagang yaman ng bansa: ang taumbayan.
Pinapatunayan ito ng datos ng NEDA. Ayon sa kanila, ang 27.9 percent na poverty
incidence natin sa unang semester ng 2012, bumaba patungong 24.9 percent sa
kaparehong panahon noong 2013. Ang three percentage points pong ito ay katumbas
ng halos 2.5 milyon na Pilipinong nakaalpas na sa poverty line. [Palakpakan] Totoo
namang dapat pagtuunan ng masusing pansin ang pinakamahihirap sa lipunan. Pero
hindi tayo titigil diyan: Ngayong nadagdagan ang kakayahan natin, sinisikap nating hindi
na manumbalik sa ilalim ng poverty line ang lahat ng nakaalpas na. [Palakpakan]
Dumating po tayo sa lipunang parang isang sirang bahay na hindi natin malisan. Ang
malala pa dito, halos wala tayong kagamitan at materyales para ayusin ang sira. Nitong
mga nakaraang taon, sa pakikiambag ng bawat mapagkapwang Pilipino, nabubuo na
natin ang mga kagamitan at materyales na itotulad po ng budget na tanging nakatuon
sa pangangailangan ng mamamayan, at apat na sunud-sunod na taon na nating
naipapasa sa tamang oras. Kasama nito ang mga batas na nagpapabilis ng pagdating
ng pakinabang sa atin pong mga Boss.
Dito posa isang patas na sistemanagsimula ang panunumbalik ng sigla ng ating
ekonomiya. Nakatipid tayo dahil sa maayos na pangangasiwa ng pondo. Napapalawak
natin ang saklaw ng mga serbisyo nang hindi nagtataas ng buwis, maliban sa Sin Tax
Reform na layuning ibsan ang bisyo sa lipunan. [Palakpakan]
Nagtrabaho tayo para magkaroon ng kakayahang tustusan ang mga proyektong
ipinatupad, ipinatutupad, at ipatutupad pa natin. Pinaigting natin ang pangongolekta ng
buwis: mula sa koleksyong 1.094 trillion pesos noong 2010, naitaas na natin ito sa
1.536 trillion noong 2013. [Palakpakan] Inayos natin ang pamamahala ng ating mga
utang. Ang resulta: Bumaba ang ating debt to GDP ratio; ang perang dating dapat
ibabayad sa interes, napupunta na sa social services. Pati ang mga obligasyong
karamihan ay minana lang, natugunan din natin. Halimbawa po nito: 1993 pa po o
panahon pa ni Pangulong Ramos nang itinakda ang obligasyong i-recapitalize ang
Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang 50 bilyong piso para magawa niya ang
kanyang tungkulin. Ang napondohan ni Presidente Ramos, 10 bilyong piso, at hindi na
nadagdagan pagkatapos noon. 40 bilyon ang kakulangang iniwan sa atin; nabayaran na
po natin ito. [Palakpakan]
Pinaghirapan natin ang pondong mayrooon tayo ngayon, kayat hindi po natin maaatim
na waldasin lang ito. Kung pipili nga ng tamang pinuno ang ating mga Boss,
malalagpasan pa ng susunod ang ating mga nagawa, dahil malaki na ang naibawas
natin sa problema, at mas matayog na ang kanilang pagmumulan.
Bakit po mas matayog? Nitong 2013, sa unang pagkakataon, nagkamit tayo ng
investment grade status mula sa Moodys, sa Fitch, at Standard and Poorsang
tatlong pinakatanyag na credit ratings agency sa mundo. Sa pagsusuri nila ng ating
macroenomic fundamentals at governance, nabawasan ang riskong itinatala, kaya
tumingkad ang kumpiyansa ng mga namumuhunan. Hindi pa nga po nakuntento ang
Standard and Poors: Nitong Mayo lang, panibagong upgrade na naman ang ibinigay
nila sa atin. Ang hatid po nito: Dahil nga investment grade na tayo, mas murang
mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga programa at proyekto, mas maraming
naaakit na mamumuhunan sa ating bansa, at mas mabilis na natatamasa ng Pilipino
ang benepisyo. [Palakpakan]
Kung susumahin naman po ang lahat ng puhunang pumasok sa Philippine Economic
Zone Authority simula nang itatag ito noong 1995, makikitang 42 porsyento ang
pumasok sa apat na taon ng ating panunungkulan. Ang natitirang 58 percent, inabot ng
15 taon ang ibang mga administrasyon para bunuin. Kumpiyansa po tayo: bago tayo
bumaba sa puwesto, papantayan o hihigitan pa natin ang halagang ito. Kay Director
General Lilia de Lima: Salamat sa nagawa mo na, at gagawin pa, sa pagkamit ng
tagumpay na ito. [Palakpakan]
Talagang pa-take-off na ang ating ekonomiya at bansa, at inaabot na natin ang mas
matatayog pang mithiin. Minana natin ang tila grounded na aviation industry: napatawan
tayo ng significant safety concerns ng International Civil Aviation Organization, o ICAO,
nabigyan ng downgrade ng United States Federal Aviation Administration, at nilagyan
ng restriction ng European Union ang ating mga local carriers.
Nitong 2013, inalis na nga po ng ICAO ang significant safety concerns sa Pilipinas. Sa
parehong taon, sinundan ito ng pagpayag ng European Union na muling lumipad ang
Philippine Airlines patungong Europa, kaya direkta nang makakabiyahe ang Pilipino
[Palakpakan] mula Maynila po hanggang London. Malamang nga po, pasunod na ang
Cebu Pacific dahil nabigyan na rin sila ng pahintulot ng EU ngayong 2014. Ngayong
taon din, in-upgrade ng United States Federal Aviation Administration ang Pilipinas balik
sa Category 1. Dahil dito, maaari nang dumagdag ang mga ruta papunta sa Estados
Unidos. Sa larangan ng turismo at pangangalakal, malaki ang itinulong ng pagdami ng
flights ng ating airlines tungo sa mga bansa kasapi ng EU at Estados Unidos .
Dumarating sa atin ang mga ulat na sa dami ng gustong bumisitang negosyante at
turista sa ating bansa, dumarating ang mga panahong kulang na ang mga biyahe
papunta rito. Magandang balita nga po ang mga upgrade: Dadami ang biyahe, kayat
matutugunan ang suliraning ito. At sa patuloy na pagtutulungan ng CAAP at ng ating
mga local carrier, pihadong mas marami pa tayong maaakit na turista at negosyante sa
mga susunod na taon. Panalo ang mga umaasa sa sektor ng turismo, panalo ang
sambayanang Pilipino. Mabuting pamamahala po ang ugat ng mga tagumpay na ito.
Nagpapasalamat nga tayo kina Director General William Hotchkiss, sa CAAP, at sa
ating mga local carriers para sa inyong pagsusumikap. [Palakpakan]
Talagang nasa sentro ng pandaigdigang entablado ang Pilipinas. Nito lang pong
nakaraang Mayo, nagpakitang-gilas tayo sa tagumpay ng pagdaraos ng World
Economic Forum on East Asia sa ating bansa. Ihahayag natin sa gaganaping APEC
Summit dito sa susunod na taon ang kaunlarang nakakamit natin at ang pagkakataong
hatid nito para sa lahat. Wala pong duda: More open for business na nga po ang
Pilipinas. [Palakpakan]
Bukod po sa maaliwalas na pagnenegosyo, isinusulong din natin ang maayos na
relasyon ng ating mga manggagawa at mga kompanya.
Isipin po ninyo: Mula 2010, nananatiling mababa sa sampu ang bilang ng mga strike
kada taon ayon sa National Conciliation and Mediation Board. Isa po itong positibong
bunga ng itinataguyod nating Single Entry Approach, o SEnA, ng DOLE, kung saan
dumadaan sa 30-day conciliation-mediation ang mga nakahaing labor cases. Ang
maganda nga po: sa 115 notices of strike and lockout noong 2013, isa lang ang natuloy
na welga. Ito ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE. Maraming salamat po kay
Secretary Linda Baldoz, sa pamilya ng DOLE [palakpakan] at siyempre po sa labor at
management sectors. Minsan po ay nagkabiruan kami ni Secretary Baldoz, noong 2012
ho yatay may dalawang strike, noong 2013, isa na lang, so nangangalahati nang
nangangalahati. Sabi ko: Linda, sa 2014, hindi tagumpay yung may kalahating strike.
Baka puwede, wala nang strike? [Tawanan at palakpakan]
Batid rin natin: Para magpatuloy ang pag-angat ng ekonomiya at pagbukas ng
pagkakataon, kailangan ng imprastruktura. Ito ang aakit sa mga negosyante,
magpapabilis sa daloy ng produkto at serbisyo, at sisigurong kaya nating
makipagsabayan sa iba pang merkado sa daigdig.
Napakalaki po talaga ng pagbabago: Lampas doble na ang budget para sa
imprastruktura, mula 200.3 billion pesos noong 2011, naging 404.3 billion pesos
ngayong 2014. [Palakpakan] Paalala ko lang po: Hindi tayo nagdagdag ng buwis
maliban sa Sin Tax Reform na nakatugon sa kalusugan, habang napanatili din ang
ating allowable deficit, at patuloy na bumababa ang ating debt-to-GDP ratio. Malaki po
ang epekto nito, dahil hindi lang lumaki ang pondo: binawasan pa natin ang mga tagas
sa sistema, kaya natitiyak nating mas sulit ang bawat pisong ginagastos ng estado.
Sa pamumuno ni Secretary Babes Singson ng DPWH: Bawal ang tongpats, bawal ang
bukol. Tinapalan na ang mga butas sa lumang sistema, at pinatag ang proseso sa
ahensya. Isang simpleng halimbawa po nito ang pagtatanggal ng Letter of Intent sa
bidding process. Noon po kasi, ginagamit ito bilang kasangkapan sa kuntsabahan
kapag nalaman kung sino-sino ang bidders ng proyekto, binibigyan ng puwang ang
sabwatan. Isa pa po: Ang mga dokumentong hinihiling mula sa bidders: lima na lang,
mula sa dating 20. Mas mabilis ang proseso, at mas kaunti ang pagkakataong
manghingi ng pampadulas o suhol. Ang resulta: Halos 28 bilyong piso ang naisalbang
pondo, at napapaaga ang pagpapatupad ng mga susunod na proyekto. [Palakpakan]
Kaya naman kay Sec. Babes at sa bumubuo ng DPWH: muli, maraming salamat po sa
inyong lahat. [Palakpakan]
Hanep po talaga: Kasabay ng mga natipid ng DPWH, ang nailatag, napapaayos,
napalawak, o naipagawa nilang kalsada mula nang maupo tayo, umabot na sa 12,184
kilometro. [Palakpakan] Nung nakita ko po itong numerong to, napag-isip rin ako:
Paano ko ba maipapaliwanag yung labindalawang libo? Sabi po sa atin: katumbas ito
ng apat na kalsadang nag-uugnay sa Laoag hanggang Zamboanga City. National roads
lang po ito; wala pa rito ang mga local farm-to-market roads o tourism roads.
[Palakpakan]
Sa Public-Private Partnership program naman po: Mula Disyembre 2011 hanggang
nitong Hunyo, nakapag-award at nakalagda na ng pitong PPP projects ang inyong
pamahalaan; ang halaga nito: tinatayang 62.6 billion pesos. Sa apat na taon natin sa
tuwid na daan, nalampasan na natin ang pinagsamang anim lamang na aprubadong
solicited PPP projects mula sa nakaraang tatlong administrasyon. [Palakpakan]
Ang laki na po talaga ng pinagkaiba ng noon sa ngayon. Sabi nga ni Secretary Cesar
Purisima: Dati, hindi makaakit ang Pilipinas ng mga mamumuhunan. Noon, gobyerno
pa mismo ang nag-aalay ng kaliwat kanang insentibo, tulad ng pagbibigay ng
commercial development rights, subsidy, at iba pang garantiya. Ngayon, baliktad na
ang sitwasyon. Matindi ang kompetisyon ng mga nag-uunahang kompanya; handa
silang magbayad para makuha ang pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan
natin. Halimbawa po: Sa Mactan-Cebu International Airport Passenger Terminal
Building, may premium ang gobyerno na umaabot sa mahigit 14 bilyong piso; sa NAIA
Expressway Project Phase 2, nakakuha ang gobyerno ng prima na 11 bilyong piso.
Muli: Mabuting pamamahala ang ugat ng lahat ng ito. [Palakpakan]
Tingnan naman natin ang TPLEX. Dahil sa kalsadang ito, maginhawa na ang biyaheng
Tarlac hanggang Rosales sa Pangasinan. Ayon po sa kanila, ang bahagi hanggang
Urdaneta, makukumpleto na bago matapos ang 2014. Sa susunod na taon, aabot na
raw ang daang ito hanggang sa dulo sa Rosario, La Union. [Palakpakan]
Ang mga imprastrukturang matagal nang ipinako sa pangako, atin na rin pong
isinasakongkreto. Ang Aluling Bridge, na 1978 pa po binuo ang konsepto, bukas na sa
publiko. Ang Metro Manila Skyway Stage 3, na bahagi ng Metro Manila Expressway na
proyekto pa noong dekada sitenta, inilunsad na natin noong Enero. Sa mga dumadaan
ng Osmea Highway, nakikita naman po ninyo kung gaano kabilis itayo ang mga haligi
para dito. Ang Ternate-Nasugbu Road, na noon pang 1994 sinimulang ilatag ang
plano100 percent complete na rin ngayon. [Palakpakan] Ang Basilan Circumferential
Road, na year 2000 pang under construction, malapit na rin pong matapos. Hindi ko na
ho sasabihin yung eksaktong petsa baka mausog pa. Pero pag hindi ho natupad, yung
ipinangako sa atin ni Governor Hataman, sasamahan ko siya araw-araw hanggang
matapos ito.
Ilan lang po ito sa mga imprastrukturang wala tayong planong ipamana bilang
problema; sa halip, ngayon, nagsisimula na itong mapakinabangan ng ating mga Boss.
Muli, dahil sa mabuting pamamahala, mas may kakayahan na tayong tugunan, maging
ang mga problemang paparating pa lang. Halimbawa: sa tubig. Alam nating habang
lumalago ang populasyon at umaangat ang ekonomiya, mas maraming tubig ang
kakailanganin sa mga susunod na taon. Ayon nga po sa pag-aaral, maaaring
magkaroon ng kakulangan ng tubig sa Metro Manila pagdating ng 2021. Hindi na po
natin hihintayin ang tagtuyot: Ang mga solusyong talagang pinag-aralan ng mga
dalubhasa, inaprubahan na po natinang Kaliwa Dam Project sa Quezon, at ang pag-
aayos ng mga linya ng Angat Dam. Magandang solusyon po ito kaysa kumuha ng tubig
mula sa mga aquifer sa ilalim ng lupa, na mas madaling pasukin o magbibigay-daan
para mas madaling pasukan ng tubig-alat. Isa pa, kung sa mga aquifer lang tayo
nakasalalay, mas mapapabilis ang paglubog ng lupana siya namang nagiging dahilan
ng pagbaha.
Kasabay po ng mga dam para sa Metro Manila at mga karatig-bayan ang suporta natin
sa mga tagalalawigan. Aprubado na rin ang Water District Development Sector Project,
sa ilalim ng LWUA o Local Water Utilities Administration. [Palakpakan]
Siguro po, narinig na rin ninyo ang pinakamalaki nating PPP projectang Laguna
Lakeshore Expressway Dikebubuksan na rin ang bidding bago matapos ang 2014.
[Palakpakan] Napakaraming benepisyong maidudulot nito. Una, mababawasan ang
pagbaha. Ngayon po, pag pumalo ng 12.5 meters ang taas ng tubig sa lawa, tiyak,
babahain na ang mga komunidad sa paligid nito. Ang solusyon: dikeng may taas na
higit sa 15 metro. Ikalawa pong pakinabang: Malilinis ang tubig sa Laguna Lake. Ang
ikatlo po: Bawas ang trapiko. Sa ibabaw ng dike, magkakaroon ng expressway, na
babagtas sa Los Baos hanggang Taguig. Pag natapos ang C-6 road na kokonekta sa
San Jose del Monte, may isa na naman tayong paraan upang makatawid ng
Kamaynilaan nang hindi na kakailanganing dumaan sa EDSA. [Palakpakan] Sa
pakikituwang ngpribadong sektor, ang obligasyon natin dito ay right of way lang;
porsyento ng lupang mare-reclaim ang ipapambayad sa mananalong bidder. Dahil dito,
makukuha natin ang ating mga pangangailangan, habang mababawasan din ang ating
gastusin.
Ilang halimbawa lang po iyan ng mga proyektong nakapila na para magdala ng
benepisyo sa ating mga Boss. Marami pang iba: Aprubado na rin ng NEDA Board ang
Laoag City Bypass Link Road Project; ang Cebu Bus Rapid Transit Project; at ang LRT
Line 1 South Extension and Line 2 East Extension. Sa mga taga-Palawan naman:
Maliban sa mga proyekto sa Puerto Princesa Airport, abangan na rin ninyo ang
Busuanga Airport. Naka-go signal na rin po ang pagpapatayo ng phase one ng
modernong Clark Green City sa Capas, Tarlac, pihado pong magsisilbing sentro ng
komersyo at industriya, hindi lang sa Gitnang Luzon, kundi sa kalakhang bansa.
[Palakpakan] Sa dulo po, ang ambisyon natin sa Clark Green Citymaging di-hamak
itong mas malawak na Bonifacio Global City. Ang dating liblib, magiging hitik sa
oportunidad.
Sa mabuting pamamahala, nanunumbalik ang tiwala ng merkado, ng mundo, at ng
taumbayan sa ating gobyerno. Nagbubunsod ito ng isang siklo: Dahil nakikita ang
resulta ng agenda ng reporma, nakikiambag ang bawat isa sa ating mga Boss.
Talagang hindi nag-iisa ang gobyerno sa pagsusulong ng malawakan at makabuluhang
reporma. Totoo nga po: Kayo ang aming lakas. [Palakpakan]
Kaya nga po, mga Boss: Salamat sa inyong tiwala at pakikiisa, na lalong nagiging
mahalaga sa mga panahong sinalubong tayo ng sunud-sunod na trahedya.
Noong Setyembre 2013, sinugod ng masasamang elemento ang Zamboanga:
Ginawang human shield ang mga kababayan nating namumuhay nang mapayapa, at
sinunog pa ang kanilang mga tahanan. Nasubukan ang galing ng ating unipormadong
hanay. Pinakamasalimuot sa larangan ng bakbakan ang tinatawag na urban combat
ngunit 195 ang nailigtas natin, sa 197 kataong naipit sa putukan. Saludo tayo sa ating
mga kapatid sa unipormadong hanay: Nagtagumpay ang sambayanan dahil sa inyong
sakripisyo. [Palakpakan]
Inatasan po natin si Secretary Singson na pangasiwaan ang rehabilitasyon ng
imprastrukturang nasira sa Zamboanga. Pangunahin sa mga pangangailangan:
mabigyan ng tahanan ang mga kababayan nating nasunugan. Ito po mismo ang
isinasagawa natin sa ilalim ng Zamboanga City Roadmap to Recovery and
Reconstruction. Pagpasok nga po ng Agosto, magsisimula nang lumipat ang mga
apektadong pamilya sa mga permanenteng bahay sa Martha Drive Subdivision.
Kabuuang 7,176 na kabahayan sa ibat ibang lugar ang target nating makumpleto sa
Hunyo ng susunod na taon. Humihingi po kami ng pang-unawa. Maraming problemang
kinailangan munang lutasin ukol sa pagkuha ng lupang lilipatan. Tinitiyak din nating ang
mga tahanang ito ay sumasang-ayon sa pangangailangan ng kanilang relihiyon at
kultura, kayat hindi pangkaraniwan ang mga ito. Sa 1,661 pamilya namang gustong sila
mismo ang magkumpuni ng sariling tahanan, 30,000 pisong halaga ng Home Materials
Assistance ang ipinapamahagi na.
3.5 billion pesos po ang nakahanda para sa pagpapaayos ng imprastruktura, pagbili ng
mga lote, pagpapatayo ng mga permanenteng tahanan, at iba pang suporta sa
Zamboanga. 2.57 billion pesos dito, nai-release na sa NHA at DPWH.
Ilang linggo naman po matapos ang krisis sa Zamboanga, niyanig ng lindol ang Central
Visayas; pinakamalaki ang pinsala sa Bohol. Dito natin nakita ang maaaring maabot ng
sambayanang nagkakaisa sa pagresponde sa sakuna. Isang linggo matapos ang lindol,
may kuryente na sa Tagbilaran at sa lahat ng munisipalidad ng Bohol. [Palakpakan]
Ngayon nga po, bawat isa sa 25 na kritikal na tulay at kalsadang nasira ng lindol,
nadadaanan na. May kabuuang 3.583 billion pesos nang nai-release para sa
rehabilitasyon ng Bohol at Cebu. [Palakpakan] Kasama na rito ang 2.49 billion pesos na
ipinagkaloob ng DILG sa lokal na gobyerno, para sa pagpapagawa ng mga palengke,
civic center, tulay, water systems, munisipyo at ibang pang istrukturang
pampamahalaan.
Bago naman po matapos ang 2013, dumating naman si Yolanda ang pinakamalakas
na bagyo sa kasaysayan. 1.47milyongpamilya ang talagang naapektuhan, at 44 sa
ating 81 probinsya ang tinamaan. Sa Eastern Visayas, kung saan pinakamalakas ang
pinsalang nadulot, napakaraming kinailangan na agarang lingap.
Sa sobrang lakas ng bagyo, naparalisa ang maraming LGU dahil sila mismo ang
tinamaan.Natangay po pati ang ating prepositioned relief goods, kayat talagang
kinailangang manggaling sa ibang lugar ang tulong. Lalo pang naging mabigat ang
pagdadala ng ayuda, dahil bagsak ang imprastruktura: Walang kuryente, hindi
madaanan ang kalsada, at halos lahat ng truck at heavy equipment na kailangan ng
ating first responders ay nasira sa pinakaapektadong mga lugar. Wala ring gasolina, at
walang komunikasyon.
Kinailangan po talaga ng pambihirang pagkakaisa para ipaabot ang tulong sa mga
apektadong pamilya, kalingahin ang mga naulilat sugatan, siguruhing walang
mangyayaring outbreak ng sakit, at marami pang ibang tungkulin. Halimbawa lang po:
Sa pagkain, hindi lang bigas at delata ang kinailangang intindihin. Kailangan din ng mga
repacking center, ng maraming truck, pati na ang mga barkong magtatawid ng ayuda sa
mga apektadong probinsya. Pagdating doon ng relief goods, kailangang malinis na ang
kalsadang dadaanan, at mapagasolinahan ang mga truck nang makabalik sila sa
pinanggalingan, upang muling makapagkarga ng ating mga food pack.
Hindi nagpatumpik-tumpik sa pagresponde ang inyong gobyerno. Nagmadali tayong
linisin, unang-una, ang airport, kaya sa loob ng 24 oras pagkatapos ng bagyo,
nakapasok na ang tatlo nating C130 na may dalang ayuda. Sa mismong araw ding iyon,
nakapagtayo tayo ng communications hub para maging mas mabilis ang daloy ng
impormasyon. Sa ikalawang araw, dumating na ang Rapid Health Assessment teams
ng DOH; ang dagdag na sundalo, pulis, at BFP personnel mula sa ibang probinsya; pati
na mga kawani ng DSWD na nanguna sa relief operations sa distribution centers man
sa Eastern Visayas, o sa maraming repacking centers na agad na nagbukas sa buong
bansa.
Sa loob lang ng dalawang araw, napagana na ang Leyte water district; sa ikatlong araw
naman, bumukas ang unang gasolinahan. Agad na nilinis ang pangunahing mga
kalsada. Pagsapit ng ika-22 ng Nobyembre o dalawang linggo matapos ang bagyo,
naipamahagi na ang ikaisang milyong food pack sa mga nasalanta; na-clear na ang
35,162 cubic meters ng debris sa mga kalsadang pagdadaanan nitong mga relief; at
nalinis at nadaanan na ring muli ang 3,426 kilometers ng National Roadskasalukuyan
naman po nating kinukumpuni ang 108.8 kilometrong napinsalang daanan, tulay,
approaches, at landslide-prone areas. Pagsapit nga po ng Pasko noong lumipas ang
2013, may kuryente na sa lahat ng munisipalidad na tinamaan ng sakuna. [Palakpakan]
Kumbaga nga po sa Emergency Room, ibinuhos ng estado ang lahat ng kanyang
kapangyarihan upang agad na mai-stabilize ang pasyente. Nagpapasalamat tayo sa
mga kasapi sa ating Gabinete, na talaga naman pong nanguna sa pagresponde sa mga
apektadong komunidad. Sina Sec. Cesar Purisima at Sec. Joel Villanueva ng TESDA,
na namuno sa logistics at nag-organisa sa mga repacking center, nagmistulan po silang
dalawang warehouse operator. [Palakpakan] Si Sec. Greg Domingo ng DTI, naging
head purchasing agent ng bansa, habang si Sec. Linda Baldoz naman ng DOLE ay
minabuting maging call center operator para sa lahat ng gusto o nag-aalok ng tulong.
[Palakpakan] Salamat din kina Sec. Jun Abaya ng DOTC, na naging dispatcher ng ating
transportasyon; kay Sec. Dinky Soliman na talagang pinatunayan ang pagiging punong
relief worker ng bansa; at kina Sec. Mar Roxas ng DILG at Sec. Volts Gazmin ng DND,
na nagbigay ng marching orders sa ating unipormadong hanay mula sa frontline ng
sakuna. [Palakpakan] Muli po, salamat sa ating Gabinete.
To our friends and neighbors around the world: Your outpouring of solidarity will never
be forgotten by a grateful Filipino people. Again, on their behalf, we thank you.
[Palakpakan]
Marahil nga po, sa kahandaan nating makiambag sa abot ng ating makakaya, na siyang
ipinapamalas ng ating OFWs, peacekeepers, at iba pang Pilipino sa labas ng bansa,
nang tayo naman ang nangailangan, nakita ng mundong karapat-dapat din tayong
tulungan. Salamat sa inyo, at sa lahat ng Pilipinong nag-alay ng dalangin at suporta,
dito man o sa ibang panig ng mundo. [Palakpakan]
Hindi po natigil ang trabaho natin. Nagsagawa tayo ng livelihood interventions, upang
maging mas mabilis ang pagbangon ng mga nasalanta nating kababayan. Ngayong
Hulyo nga po, 221,897 trabaho na ang nalikha matapos tayong magkaloob ng bangka,
kagamitan sa pangingisda at pagtatanim, mga binhi, at livestock. Kasama na rin po dito
ang mga sinuwelduhan nating naging kabahagi ng cash for work program.
Tanggap naman po siguro ng lahat na malaki ang problemang dala ni Yolanda. Pero
ayon nga po sa international standards, kapag nangyari ang ganitong klaseng sakuna,
isang taon ang inaabot bago matapos ang relief at mag-umpisa ang rehabilitasyon ng
isang bansa. Pero sa loob lang ng walong buwan, idineklara na ng United Nations
mismo na nasa yugto na tayo ng rehabilitation. Si Ginoong Yuri Afanasiev ng United
Nations Development Programme na nga po ang nagsabi: We have never seen a
recovery happen so quickly. And many of us have been in many different disasters.
[Palakpakan]
Mahabang panahon ang bubunuin para tuluyang makabangon sa mabibigat na sakuna.
Sa Haiti, dalawang taon ang nakalipas mula ng lindol, marami pa rin ang nasa
evacuation centers. Ang mga kapatid natin sa Indonesia, inabot ng walong taon para
maka-recover sa tsunami sa Aceh. Mismong sa Amerika nga po, sinasabing walong
taon ang inabot para makabalik sa dati matapos humagupit si Hurricane Katrina.
Hindi pa po tapos ang ating trabaho. Marami pang bahay na kailangang ipatayo;
marami pang mga kababayan natin ang kailangang ibangong muli; patuloy pa rin ang
pag-build back better para sa mga hinagupit ni Yolanda.
Kaya nga po: Ngayong Hulyo, isinumite na sa atin, at nilagdaan na rin natin, ang LGU
Rehabilitation and Recovery Plan para sa Cebu, Iloilo, Samar, Eastern Samar, Leyte, at
Tacloban City. [Palakpakan] Pumasa po ito sa masusing pagsusuri ng mga cluster ng
Gabinete; laman nito ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, ayon na rin
sa isinasagawang malawakang post-disaster needs assessment. Nabuo po ang
planong ito sa maigting na pagsisikap ni Secretary Ping Lacson, na inatasan nga nating
tumutok sa mga hamong iniwan ni Yolanda. [Palakpakan] Umaasa po ako sa pakikiisa
ng Kongreso, dahil malaking halaga ang kailangan, upang tuluyan nang maibangon ang
ating mga kababayan.
Alalahanin po natin: Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa. Ito rin ang parehong
ideya sa likod ng ating mga hakbang para sa disaster preparedness. Binigyang-lakas
natin ang mga LGU na siyang mga frontliner tuwing bagyo at iba pang sakuna, gamit
ang moderno at malawakang forecasting system.
Sa DREAM-LiDAR project sa ilalim ng Project NOAH, halimbawa, napapadali ang
pagtukoy kung saan ang mga lugar na pinakababahain. Nakamapa na po ang 19 sa
target nating 20 river systems para matukoy kung ano ang mga lugar na agad
naaapektuhan tuwing bumubuhos ang ulan.
Dahil mas eksakto na ang pagtukoy natin kung kailan at saan tatama ang epekto ng
bagyo, ngayon po, napapaaga ang paghahanda at pagbibigay-babala ng ating mga
LGUs. Maaga na ring naililikas ang kanilang mamamayan. Kung ang maayos na
forecasting, tatambalan pa natin ng mahusay na LGU, talaga naman pong maraming
buhay ang maililigtas. Sa Albay na hinagupit kamakailan lang ng bagyong Glenda,
walang naitalang pumanaw dahil sa bagyo, salamat sa mabuting pamamahala ni
Governor Joey Salceda. [Palakpakan] At kung kaya itong gawin ng isang probinsya na
siya ngang parang natawag na nga pong highway ng mga bagyo, bakit naman tayo
magdududa na kakayanin ng iba pang hindi highway ng bagyo?
Pag-usapan naman natin ang seguridad. Mulat po tayo sa mga hamon sa bansa, at
alam din nating mahal ang kailangan nating mga kagamitan. Ngayon po, ikinalulugod
kong iulat sa inyo: Tuloy-tuloy ang modernisasyon ng AFP. Nakuha na natin ang brand
new na 8 Sokol Combat Utility Helicopters, tatlong AgustaWestland-109 helicopters, at
ang kauna-unahang landing craft utility ship na ginawa dito mismo sa ating bansa, ang
BRP Tagbanua. Dumating na rin po ang apat na refurbished UH-1 helicopters at 2 navy
cutters. Nito namang nakaraang Mayo, pinasinayaan na rin natin ang state-of-the-art
Command Center ng Naval Forces West sa Palawan.
Sa susunod na taon, lalapag na ang 2 sa 12 na FA-50 lead-in fighter trainer jets na binili
natin. [Palakpakan] Ang natitira naman po, inaasahan nating maide-deliver bago
matapos ang 2017. Target din nating makuha ang karagdagang brand new na 8 Bell
combat utility helicopters, 2 anti-submarine helicopters, 10 pang AgustaWestland-109
helicopters, 2 light-lift aircraft, 3 medium-lift aircraft, mga radar system at iba pang
kagamitang magpapaunlad sa kakayahan ng ating Sandatahang Lakas. [Palakpakan]
Samantala po, sa Setyembre ng taong ito, inaasahan ang pagdating ng karagdagang
17 refurbished UH-1 helicopters.
Dumating na rin ang paunang mga M4 assault rifles na binili natin para sa
kasundaluhan. Sa mga susunod na buwan, ang kabuuang bilang ng baril na
mapapasakamay ng ating mga kawal: 50,629 units ng M4. Ang bonus pa: dahil sa
maayos na proseso ng procurement at tapat na pangangasiwa sa pondo, may savings
tayo na mahigit 1.2 billion pesos; itong savings ay ipinambibili na natin ng mas marami
pang baril. [Palakpakan]
Ididiin ko lang po: Brand new at dekalidad ang lahat ng ripleng ito na nagmumula sa
manufacturer na daang taon na pong gumagawa ng sandata. Di po ba noong araw:
naubos na nga ang pondo, hindi pa alinsunod sa ispesipikasyong kailangan natin, tulad
po ng biniling Kevlar Helmets. Sabi po ng ispesipikasyon, dapat sa U.S. Pero noong
ibinili, sa ibang bansa. May na-convict na po dahil dito. Pati ang isang hukom na
diumanoy sangkot dito, natapos na ang imbestigasyong inutos ng Korte Suprema, at
hinihintay natin ang kanilang pasya.
Tuloy ang pagtugis natin sa kalaban ng estado at masasamang elemento para sa mga
krimeng ginawa nila. Halimbawa nga po: Nahuli na ang Chairman at Secretary General
ng NPA nitong Marso. Nanunumbalik na rin po ang normalidad at kaayusan sa 31
probinsyang dating ginambala ng NPA.
Nagbabago na rin nga po ang mukha ng ating kapulisan. Patunay po rito ang 30 pulis,
sa pangunguna ni Inspector Charity Galvez, na tumalo sa tinatayang 250 NPA na
sumugod sa kanilang presinto noong 2011. [Palakpakan] Nitong Marso naman po, 4 na
bagitong pulis ang buong-tapang na sumagupa laban sa Martilyo Gang sa Mall of Asia.
Mabuti nga pot naabot na ang 1:1 police to pistol ratio, kayat naisyuhan na rin ng
bagong baril ang ating mga rookie policewomen. Dati, nakakaligtaan ang kapulisan;
ngayon, kinakalinga na sila ng estado, at talaga namang tinutumbasan nila ito ng wagas
at masigasig na serbisyo. [Palakpakan]
Pakinggan po natin ang tinig magigiting nating pulis:
PO1 Juliet Macababbad: May narinig po kaming, ano, nagbasag ng salamin. Naging alerto kami
ng buddy ko.
PO1 Marcelina Bantiyag: Ah yong unang pumasok po ng isip ko yung bumunot na po ako ng
baril kasi alam ko na ano po silana ready po silang magpaputok sa amin; nakauniporme po
kami.
PO1 Maricel Rueco: Sinabi po ng aking ka-buddy na si PO1 Bantiyag na Ko-cover-an kita,
ikaw ang tumawag sa ating PCP [Police Community Precinct]!
PO1 Marcelina Bantiyag: Meron po kaming nahuli na isang miyembro po nila.
PO1 Delia Langpawen: Pang-apat na araw namin ditong dutydoon mismo sa post na yon.
Tapos, biglang ganoon po ang nangyari.
PO1 Juliet Macababbad: Kailangan po talaga may baril yung bawat pulis. Mabuti na lang po,
may in-issue po sa amin na Glock 17 Generation 4 po.
PO1 Marcelina Bantiyag: Malaking tulong po yung baril sa amin kasi kapag nagpapatrolya ka
may confidence ka na kahit may mangyari puwede kang maki-engage.
PO1 Juliet Macababbad: Masarap po sa pakiramdam yung ikaw ay makatulong sa iyong mga
kababayan. Kung ano po yung nagagawa ng mga lalaki, nagagawa din po naming mga babae.
[Palakpakan]
PO1 Delia Langpawen: Kahit kinabahan po kami dahil first encounter po namin, ang inisip po
namin ay ang kapakanan ng mga tao na nandoon.
- PO1 Juliet Macababbad, PO1 Marcelina Bantiyag, PO1 Maricel Rueco, and PO1 Delia
Langpawenpolicewomen na umaresto sa miyembro ng Martilyo Gang [panoorin ang video]
Nito naman pong Hunyo, naging sunod-sunod ang high-profile na pamamaslang.
Arestado na ang ilangmga sangkot sa pagpatay kina Mayor Ernesto Balolong, sa
negosyanteng si Richard King, at may sinusundan na ring magandang lead ang ating
kapulisan sa pagpatay sa race car driver na si Ferdinand Pastor. Huwag po kayong
mag-alala: hahabulin natin ang hustisya sa kabuuan, hindi ang bahagi lamang. Kaya
bukod sa mga ginawa nating pag-aresto, patuloy tayo sa paglikom ng ebidensya laban
sa iba pang suspect. Pananagutin natin ang lahat ng may-sala. [Palakpakan]
Pinapaigting pa natin ang pangangalaga sa seguridad ng taumbayan. Simula ng ika-16
ng Hunyo ngayong taon, ipinapatupad natin sa National Capital Region ang Operation
Lambat. Matapos nating gawing triple ang dami ng checkpoints at magsagawa ng ibat
ibang operasyon, ang resulta: 862 sasakyan at 29 mga baril ang nakumpiska natin.
Nakapag-serve tayo ng 587 warrants of arrest, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 410
suspect. Ibinalik din natin ang Oplan Katok para matiyak na ang may tangan ng
lisensyadong baril ay ang karapat-dapat lamang. 28,714 na bahay sa NCR ang kinatok
ng mga pulis para sa operasyong ito.
Bago natin ipatupad ang Oplan Lambat, mula Enero hanggang ikalawang linggo ng
Hunyo, ang murder at homicide sa National Capital Region, umaabot sa 31 kaso kada
linggo. Sa limang linggo pa lang ng operasyon, ang murder at homicide rate: Bumaba
sa 22 kaso na lamang kada linggo. 29 porsyentong pagbaba ang naitalakatumbas ng
9 na pagpatay ang napigilan natin kada linggo. At sa NCR pa lang po ito. Kung
maisasabatas natin ang pension reform, at makakakalap nga tayo ng sapat na pondo
para sa dagdag na pulis at para matuloy ang planong pagbili ng kagamitan, lalong
mapapalawak ni Sec. Mar Roxas ang Operation Lambat, upang gawing mas ligtas ang
buong bansa. [Palakpakan] Nasa ilalim nga po sana ng DAP ang pondong
pangkagamitan, pero dahil hindi ito na-obligate bago bumaba ang desisyon ng Korte
Suprema, kailangan po nating maghanap ng pagkukunan ng karagdagang pondo.
Tunay nga po: Tiwala ang pundasyon ng mabuting pamamahala. Tiwalang maaasikaso
ang lahat ng tinamaan o tatamaan ng bagyo; tiwalang sa bawat araw ng trabaho, ligtas
mong mauuwian ang pamilya mo. Tiwala na hindi kayo lalamangan ng inyong mga
pinuno; tiwalang nariyan ang inyong gobyerno, kakampi ninyo, lalo na kung kayo ang
nadedehado. Tiwala na mananagot ang mga nang-abuso, at maitatama ang mga
proseso at institusyong ginagamit para nakawan kayo. Tiwala na kung sumunod ka sa
tama, makukuha mo kung ano ang dapat sa iyo. Ang pagbabalik ng tiwala ninyo: Iyan
po ang ibig-sabihin ng reporma. [Palakpakan]
Halimbawa po: Sa Customs, na talaga naman pong sinubok ang ating pasensya noong
nakaraang mga taon. Naging malinaw sa atin: Reset button ang solusyon. Bumuo po
tayo ng mga bagong tanggapan para suriin at gawing epektibo ang mga patakaran sa
Customs. Nagtalaga tayo ng bagong commissioner, anim na bagong deputy
commissioner, kasabay na rin ang 40 iba pang maaasahang indibidwal para ipatupad
ang ating mga reporma sa Customs. Ibinalik din natin sa tamang posisyon ang mga
empleyado. Totohanang ipinagbawal ang mga guwardiyang umaastang kahera, o
warehouseman na ginagawang examiner.
Marami nga po ang nagsasakripisyo para ayusin ang Customs. Kabilang dito ang mga
kawani mula sa ibang departamento at ahensya ng gobyerno, na hiniling nating lumipat
sa Customs dahil tiwala tayo sa kanilang integridad. Isipin po ninyo: Sino nga ba naman
ang naghahanap ng sakit ng ulo, lalo pat walang garantiya ng tagumpay? May mga
ipinagpaliban ang kanilang promotion. May mga nagpahiwatig din ng agam-agam dahil
sa takot na balikan sila ng mga sindikato. Pero sa huli, tumugon sila sa ating
panawagang maglingkod. Marapat lang na personal kong pasalamatan ang lahat ng
kawaning ito, sa pangunguna na nga ni Commissioner Sunny Sevilla. [Palakpakan]
Pinapatunayan po natin: Sa paninindigan at pagkakaisa, kayang linisin kahit pa ang
isang institusyong napakahabang panahon nang dinungisan ng katiwalian. Patunay po
rito ang good news na natanggap natin: Mula Enero hanggang Abril 2014, umangat ng
22 porsyento ang cash collections ng Customs kumpara sa parehong panahon noong
nakalipas na taon. Ang kabuuan nilang koleksyon sa unang apat na buwan ng taon:
117 billion pesos. [Palakpakan]
Ang masasabi ko naman sa mga patuloy na rumaraket: Alam kong hindi na kayo
tinatablan ng takot at kahihiyan. Nasa inyo kung makukunsensya kayoo maaawa
kayo sa mga nalululong sa drogang pinapapasok o pinahihintulutan ninyong pumasok,
o sa mga magsasakang napagkakaitan ng tamang kita. Ang sa akin lang: Kapag
sumapat na ang nililikom na ebidensya laban sa inyo, sa Bilibid ang susunod ninyong
destino. [Palakpakan]
Kung pag-uusapan natin ang mga repormang nagsisimula nang magbunsod ng
malawakang kaunlaran, marapat din pong ibalita ko sa inyo ang mga pangyayari ukol
sa repormang agraryo.
Alam naman po natin, at malinaw sa batas: kailangan munang tukuyin ang maaari at
hindi maaaring ipamahaging lupain. Pero ang masaklap, ipinamana sa atin ang bungi-
bunging datos. Bakit ka niyo? Taong 1913 pa sinimulan ang Cadastral Survey ng ating
bansa, na tutukoy ng hangganan ng mga lupaing saklaw ng bawat lungsod, bayan, at
lalawigan sa Pilipinas.
Isa pang problema: Inuna ng mga nakaraang administrasyon ang distribusyon ng mga
lupaing madaling ipamahagi tulad ng mga government-owned land, at lupaing
napagkasunduan na ng may-ari at magsasaka. Ang naiwan sa atin ay mga lupaing
maraming kumplikasyon, at ugat pa ng mahabang debate at demandahan.
Dagdag din nga pong suliranin ang masalimuot na sitwasyon sa ARMM. Ang lupa ng
ARMM ay tinatayang 1.5 milyong ektarya. Pero ang lupang nakatala na dinatnan natin,
ngayon ay nasa 2.9 million hectares na dahil sa patung-patong na pag-angkin ng lupa.
Nagtataka nga po si Governor Mujiv Hataman ng ARMM at tinanong niya sa akin
minsan, Boss, paano kaya nanganganak ang lupa?
Wala po tayong balak na ipasa ang mga suliraning ito sa susunod sa atin, para pag-
ugatan lang ng panibagong mga problema at ng lalong pagkaudlot ng repormang
agraryo.
Sa 2015, makalipas ng 102 taon, matatapos na rin ang Cadastral Survey.[Palakpakan]
Ngayong taon,ihahain din nating muli sa Kongreso ang panukalang batas para i-extend
ang paghahain ng Notice of Coverage, na hindi agad natapos nang husto dahil nga sa
mga problemang kinailangan muna nating solusyonan. [Palakpakan] Oras na maihain
ang panukalang batas, umaasa tayong maipapasa ito sa lalong madaling panahon.
Kung tiwala nga po ang pag-uusapan, dapat ding isama ang Bangsamoro. Matapos ang
mahabang panahon ng hidwaan at napupurnadang negosasyon, naibalik na natin ang
tiwala. Pruweba ponito: Noong nakaraang Marso, nilagdaan na ang Comprehensive
Agreement on the Bangsamoro. [Palakpakan]
Pero simula pa lang ito ng ating pag-usad sa landas ng malawakang pag-unlad sa
Mindanao. Wala pong nakakatangging napag-iwanan ang ARMM. Gusto po nating
bigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat ng Pilipino, kaya nga dapat may boost up,
para naman maka-catch up ang ating mga kababayang nasa laylayan. Halimbawa, sa
budget na iminumungkahi natin para sa 2015, 5.17 billion pesos mula sa budget ng
DPWH ay nakalaan para sa imprastraktura ng ARMM. [Palakpakan]
Kasalukuyan na po nating pinapanday ang panukalang Bangsamoro Basic Law.
Humihingi po tayo ng pang-unawa sa ating Kongreso ukol rito. Mahalaga pong maging
masusi ang paghimay natin ng bawat probisyong ilalatag. Sa abot ng ating makakaya,
isusulong natin ang isang panukalang batas na makatwiran, makatarungan, at
katanggap-tanggap sa lahat. [Palakpakan]
Kung maisasabatas nga po ang Bangsamoro Basic Law bago matapos ang taon at
maisasagawa ang kinakailangang plebesito, mabibigyan ng isat kalahating taon ang
Bangsamoro Transition Authority para ipakita ang positibong pagbabago. Kung
maaantala naman ito, natural pong iikli rin ang panahon para mapatunayan na tama
nga ang landas ng kapayapaang tinatahak natin.
Napakarami na nga po nating nararating dahil sa tiwalaat wala tayong balak basagin
ang tiwalang ito. Ang gobyerno ninyo ngayon: mayroong isang salita. Hindi ko na po
iisa-isahin ang mga natupad nating panata sa tuwid na daan; baka masabihan lang
tayong nagbubuhat ng sariling bangko. Pero mahirap din namang hindi tayo
magbanggit, dahil malamang nag-aabang na ang mga magsasabing wala tayong
ginawa. Kaya samahan niyo na lang akong magbigay ng ilang halimbawa: Trabahot
pagkakataon para sa napakaraming Pilipino, nalikha at patuloy pang nililikha. Sa
katunayan, mula Abril 2013 hanggang Abril 2014: nasa 1.65 million ang nadagdag sa
bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho. [Palakpakan] Minanang kakulangan sa aklat,
upuan, at silid-aralan, napuno na; habang ang mga panibagong pangangailangan dahil
sa K to 12, pinupunuan na rin. 1:1 police-to-pistol ratio, meron na rin po. Modernisasyon
ng Sandatahang Lakas, nangyayari na. Pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao,
sumusulong na. Pag-angat ng ating ekonomiya, tuloy-tuloy pa rin. [Palakpakan]
Sabay-sabay nating natutupad ang ating mga pangarap: kalusugang pangkalahatan,
silid-aralan, trabaho, daungan, kalsada, paliparan, kaligtasan, kapayapaan. Ang nabawi
nating pambansang dangal, sinamahan pa ng pagkilala ng mundo sa bagong anyo ng
Pilipinas. Ang kaban ng bayang mula sa pawis ng mamamayan, ginugugol para lamang
sa kanilang kapakanan.
Pakinggan po nating muli ang isa pa sa ating mga Boss:
Ako po si Gina Lastrado, 47 years old. Galing po ako sa Isla 1 Barangay 180, Maricaban, Pasay
City.
Ang trabaho ko po doon sa may pinanggalingan namin sa Pasay, ako po yong businesswoman.
Ngayon po, pinagpatuloy ko pa rin, maam, yong pagtitinda ko. Kailangan po dito tiyaga. Ni-
relocate po kami dahil sa aming lugar po ay nasasabing danger zone. Karamihan po kasi nasa
tabi ng ilog.
Yung Ondoy, grabe po talaga. Sabi ko nga hindi mo aakalain na masasabi mong mabubuhay pa
kami.
Kung ikukumpara yung buhay namin doon sa Pasay saka dito, umulan man, bumagyo
kumbaga nakakatulog ka nang mahimbing. Wala kang pangamba na ayan na ang baha, hindi ka
nakakatulog, di tulad doon sa pinanggalingan namin. Kaya nga sabi ko doon sa mga kasama ko,
sa mga natira pa doon, lumipat na kayo kasi wala na kayong pangamba, wala na tayong baha.
Pagdating namin dito binigyan po kami ng grocery, saka binigay sa amin yung susi. Hinatid po
kami dito sa bahay namin, at iyon pong eighteen thousand, yun ang panimula ng buhay namin
dito. Binigyan niya kami ng dignidad ang lahat ng mga taga-squatter area doon sa lugar namin.
Napakaganda ng buhay namin dito rin, maam. Masasabi mong amin na talaga tong lugar
nato. [Palakpakan]
- Gina Lastrado, relocated member of an informal-settler family (ISF) [panoorin ang video]
Ngayon nga po: Ang problemang dinatnan, nasolusyonan. Ang nandiyan, tinutugunan.
At ang problemang parating pa lang, pinaghahandaan na rin. Naniniwala ako: Kung
mananatili ang inyong tiwala, masosolusyonan natin ang mga ito.
Tingnan po natin ang sitwasyon sa enerhiya. Ginagawa na po natin ang lahat para
siguruhing natutugunan ang lumalagong pangangailangan ng bansa. Sa kabila nito,
meron pong mga pangyayaring talagang hindi natin inaasahan, na maaaring
magbunsod ng problema sa susunod na taon. Halimbawa po: Kailangan nating bunuin
ang mga kakulangan dahil sa outages para sa maintenance ng mga lumang planta, ng
mga biglaang paghinto ng operasyon dahil sa pagkasira, at ng delay sa implementation
o sa pagsasatayo ng mga bagong planta.
Huwag po nating kalimutan, may banta din ng El Nio na makakaapekto sa kapasidad
ng mga hydro powerplants, at magpapataas pa ng demand sa kuryente. Kung sa ating
mga kabahayan nga, lalakas ang gamit natin ng electric fan o aircon dahil sa init ng
panahon, lalo naman po sa mga industriya at negosyo. Hindi ito kasingsimple ng
pagpunta sa tindahan at pagsabing, Pabili nga po ng 600 megawatt generator, at paki-
install na rin bukas.
Ang habol natin: kumpletong paghahanda para hindi tayo maparalisa sakaling mangyari
ang worst-case scenario. Dapat, kahit sa susunod na taon pa uusbong ang problema,
meron na tayong pinaplanong solusyon para dito. Kaya nga po inatasan ko si Secretary
Icot Petilla ng DOE: Makipag-ugnayan ka na sa Joint Congressional Power
Commission, sa Energy Regulatory Commission, sa industriya, at ang
pinakaimportante, sa mga consumer, upang madagdagan ang kakayahan nating
tugunan ang problema sa enerhiya.
Batid ko rin po na apektado ang mga Boss natin sa pabugso-bugsong pagtaas ng
presyo ng bigas. Mukhang totoo nga po ang mga ulat: May ilang mga halang ang
bitukang hoarder na itinatago lang ang bigas, para kapag tumaas ang presyo, ibebenta
nila ang stock para kumita nang di-makatwiran.
Hindi puwede ito. Kung sa tingin nila wais sila, mas mahusay ang ginagawang diskarte
ng inyong gobyerno. Ang agarang solusyon: mag-import pa ng bigas, i-supply sa
merkado, pababain ang presyo, at panatilihin ito sa risonableng antas, para malugi ang
mga nagsasamantala sa Pilipino. [Palakpakan]
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagsimula na tayong mag-import ng 500,000
metriko tonelada para magsilbing ayuda sa supply na pinanipis ng nagdaang mga
bagyo. Dumating na lahat ito nitong Marso. Nito ding Pebrero, inaprubahan ng NFA
Council ang pag-angkat natin ng karagdagang 800,000 metriko tonelada bilang
pagpuno sa ating buffer stock requirement, at 360,750 metric tons na nito ang dumating
ngayong Hulyo; pagdating ng Setyembre, makakarating na ang kabuuan. Naaprubahan
na rin ngayong Hulyo ang agarang importasyon ng 500,000 metriko tonelada ng bigas
sa pamamagitan ng open bidding. May standby authority rin ang NFA na mag-angkat
ng karagdagan pang 500,000 metriko tonelada, bilang paghahanda sa magiging epekto
ng kalamidad sa ani at sa presyo ng bigas.
Kapag dumating ang karagdagan nating inaangkat, mapupuwersa na ngayong
magbenta ang mga hoarder ng bigas na nakatago sa kanilang mga kamalig. Sa mga
hoarder na ito: Kung gusto ninyong makipagmatigasan, okay lang, subukan ninyo ang
estado. Tandaan lang ninyo: Anim na buwan lang ang itatagal bago mabulok ang stock
sa mga warehouse ninyo. Siguradong malulugi kayo kapag nalunod na ang merkado sa
dagdag na bigas. Kumikilos kayo kontra sa mga Pilipino; kami naman, isinusulong ang
interes ng bawat Pilipino. Tingnan natin kung sino ang mananalo. [Palakpakan]
Bukod po sa pag-iimbestiga sa mga diumanoy nagtago ng NFA rice, sinisiyasat na rin
natin ang lahat ng mga puwedeng nagkuntsabahan sa mga ahensya. Iniimbestigahan
na ang mga empleyadong pinagdududahan upang makasuhan at mapakulong ang mga
may-sala sa lalong madaling panahon.
Sabay ng pagtugis sa mga mapang-abuso, patuloy rin ang mga proyekto natin para
alagaan ang mga nasa sektor ng agrikultura. Ginagawa nating kaakit-akit na kabuhayan
ang pagtatanim ng palay. Alam naman po natin na tumatanda na ang ating mga
magsasaka, kaya malaki ang maitutulong sa food security kung mahihikayat natin ang
mga kabataan na pasukin ang ganitong hanapbuhay.
Nagkakaloob po tayo ng mga makabagong kagamitan sa pagsasaka para sa
episyenteng pagtatanim at pag-aani. Mula 2011 hanggang Mayo ng 2014, naipamahagi
na natin ang kabuuang 4,628 production machineries, 11,362 post-production
machineries, at 105 rice mills sa ibat ibang farmers associations. Sa tulong po nito,
nabawasan ang nasasayang sa ani ng ating mga magsasaka. Bukod rito, pinapaunlad
natin ang mga patubig, nagpapagawa tayo ng farm-to-market roads, at nagsusulong ng
training programs upang masagad ang kanilang kita.
Pag-usapan naman po natin ang budget. Ang Ehekutibo, nagmumungkahi ng mga
proyekto at programa; inaaprubahan naman ito ng Kongreso. Kailangan nga lang po
nating itigil ang ilan, para makasiguradong sumusunod tayo sa naging desisyon ng
Korte Suprema ukol sa Disbursement Acceleration Program o DAP. Alam ko pong kaisa
kayong mga nasa bulwagang ito sa paniniwalang hindi dapat ipagkait ang benepisyo sa
ating mamamayan, at dapat nga itong makarating sa kanila sa lalong madaling
panahon.
Kaya nga po: Ipinapanukala namin ang pagpasa ng supplemental budget para sa 2014,
upang hindi naman maantala ang ating mga programa at proyekto. [Palakpakan]
Kasabay po nito, nananawagan din tayo sa pakikiisa ng Kongreso, upang maipasa ang
isang Joint Resolution na maglilinaw sa mga depinisyon at kaisipang tila pinagtatalunan
paat iba pang mga usaping kayo lang sa lehislatura, bilang mga nagsulat ng batas,
ang makakapaglinaw. [Palakpakan]
Sa unang araw po ng trabaho matapos ang SONA, ihahain natin sa Kongreso ang
panukalang 2.606 trillion pesos na 2015 National Budget. Gaya ng lagi, binuo ito
kasama ang mamamayan, gamit ang istratehiyang naglalaan ng pondo kung saan
lamang ito tunay na maghahatid ng benepisyo. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng ating
mga mambabatas na pagtibayin ito, bilang pangunahing instrumento sa paglikha ng
pagkakataon para sa sambayanang Pilipino.
Pakinggan naman po natin ngayon ang isang benepisyaryo ng Alternative Learning
System program po ng DepEd.
Ako po si Maria Cecilla Fruelda.
Bale nabalitaan ko po sa mga kasamahan kong taga-Zambales din po, na naririto na sa Rosario,
na maganda daw po ang hanapbuhay dito sa Puting Kahoy kaya kami po ay napalipat dito.
Prayoridad nga po naming mga tribo ang maghanap ng pagkain kaysa pong pagtuunan ng
pansin ang pag-aaral. Sobra pong mahalaga sa akin ang pag-aaral lalo na pot noong nakapasa
ako ng ALS [Alternative Learning System] dahil kung saan ito na po ang naging simula na
matupad ko iyong aking pangarap na maging isang titser.
Sa tingin ko po, gaganda ang buhay ng mga kabataang Aeta sa amin kapag nakapag-aral. Hindi
po ako nakapasok sa ALS kung saan ay di ko po malalaman iyong mga karapatan namin bilang
katutubo at hindi rin po namin maipapaglaban ang aming tinatawag na lupaing-ninuno na ngayon
po sa awa ng Diyos ay nilalakad na po ng NCIP para matituluhan ang lupa at mai-award na sa
amin.
Pag ako po ay nakatapos ng kursong Edukasyon, gusto ko po makapagturo sa aming
komunidad at gusto ko rin pong maipamahagi kung ano man iyong mga nalalaman ko at higit na
kaalaman na dapat ibigay sa mga katutubong Aeta.
Napakalaki po ng naitulong ng ALS dahil bukod po nga sa ngayon po ako poy estudyante ng
Luansing, kung saan poy mas lalo pang nakilala iyong aming komunidad. Marami pa po ang
tumulong lalo na po iyong mga kabataan namin, kung saan parang sinundan nila ang yapak ko,
mas higit na pong marami ang nag-aaral ngayon kaysa dati. [Palakpakan]
- Maria Cecilla Fruelda, Aeta tribal leader, ALS learner, and college student [panoorin ang
video]
Mga kababayan, siya po, at ang marami pang benepisyaryong tulad niya, ang
natatabunan sa tuwing umiingay ang orkestra ng negatibismo sa balita. Itong maiingay
na ito, sadyang isinasara ang isip at namumuhay sa sariling mundo at realidad. Habang
nakikita ang pagbabago sa lipunan, nangyayari na nga ang ating inasahan: lalong
dumadalas, lalong umiinit, at lalong tumitindi ang pag-atake nila sa atin. Habang
lumilinaw ang benepisyo ng reporma, pahirap nang pahirap ang pag-asang
magtagumpay ang panlilinlang nila, kayat nagtatanim sila ng duda. Desperado na po
sila.
Bakit nga po ba sila galit na galit? Tingnan po natin ang kanilang motibasyon. Para sa
mga ginawa nang negosyo ang kanilang posisyon: kung maayos natin ang mga
sistema, nawawalan sila ng pagkakataong mansamantala. Natural lang na kontrahin
nila tayo. Ito namang mga walang ibang layunin kundi ibagsak ang gobyerno: Puwede
lang madagdagan ang kanilang hanay kung maraming nagdurusa, at nawalan ng tiwala
sa sistema. Ngayong nakukumpuni na ang sistema at natutugunan ang pagdurusa,
nababawasan na ang puwede nilang i-recruit, kaya pakaunti nang pakaunti ang
kanilang bilang. Natural lang din na kontrahin nila tayo. Ang pinakamaingay na
kumokontra sa atin ay ang ayaw ng transpormasyon, dahil nagsamantala at nakinabang
sila sa lumang kalakaran.
Ganito ko nga po naiisip ang ating sitwasyon: Para tayong mga mamamayang matagal
na naipit sa isang isla kung saan may nag-iisang tindahan. Dahil walang pagpipilian,
nagpapataas sila ng presyo kung kailan nila gusto, at talaga nga naman pong inaabuso
tayo. Inatasan po ninyo akong itimon ang bangka ng estado tungo sa kabilang isla,
kung saan mas maraming tindahan, mas maraming pagpipilian, mas maayos ang
buhay, at mas malawak ang pagkakataon. Siyempre po, ang nagpapatakbo ng tindahan
sa ating islang nilisan, ayaw tayong pumalaot, dahil mawawalan sila ng inaabuso.
Lahat, gagawin nila para pigilan ang ating pagtawid sa kabilang pampang. Sasabihin
nilang: Pareho lang naman doon; wala naman talagang pagbabago doon. Itatali nila
tayo sa daungan, bubutasan ang ating bangka, makikipagkuntsabahan para iligaw ang
ating biyahe.
Ang totoo po, hindi naman ako ang kinokontra ng mga ito, kundi ang taumbayang
nakikinabang sa tuwid na daan. Kontra sila sa magsasaka sa Iloilo, na mahigit
limampung taong nangarap ng maayos na irigasyon, at ngayon ay nakikita nang
ginagawa ang Jalaur Multi-purpose River Project. [Palakpakan] Kontra sila sa
napakaraming estudyanteng hindi na kailangang magsiksikan sa mga classroom.
Kontra sila sa nagkatrabaho dahil nasanay ng TESDA; kontra sa mga maagang
naililikas sa panahon ng bagyo dahil sa pinahusay na PAGASA; kontra sa mga informal
settler na nailayo sa panganib dahil sa programang pabahay; kontra sa mga maralitang
libre nang nakakapagpagamot sa pampublikong ospital; kontra sa mga sundalong may
modernong kagamitan kaya mas may kumpiyansa nang ipagtanggol ang bansa; kontra
sa mga Moro at katutubong abot-tanaw na ang kapayapaan. Mga Boss, kontra po sila
sa inyo. [Palakpakan]
Ang totoo po niyan, wala pa tayo sa puwesto, inaatake na tayo. Sanay na tayong
sinasalubong ng negatibong komentarista sa almusal, pang-aalipusta sa tanghalian,
insulto sa hapunan, at may intriga pa bilang midnight snack. [Tawanan] Ngayon nga
pong Pangulo ako, tuloy pa rin ang mga kontra sa pagbabago. Sa tingin ko, maski sa
pagbaba ko sa puwesto, hindi pa rin sila titigil.
Naalala ko po ang isang matandang babaeng nakausap ko dati sa kampanya. Ang sabi
niya sa akin, Noy, mag-iingat ka. Marami kang makakabangga. Totoo ang kanyang
babala. Pero buo ang loob kong kaharapin ang mga nakakabanggang ito, dahil alam
ko: iilan lamang sila, at di-hamak na napakarami natin. [Palakpakan] Mas malakas po
tayong mga handang makisagwan tungo sa pagbabago. Magtatagumpay tayo sa
labang ito, dahil tayo ang nasa tama.Nangarap tayo, nagsimula tayo, nagsikap tayo,
nakabuwelo tayo, at ngayon, umaarangkada na nga po ang Pilipino. [Palakpakan]
Lalong magiging sulit ang pagod at sakripisyo natin kung itong nasimulan natin ay
itutuloy po ninyo.
Kayo ang haharap sa sangandaan; kayo ang magpapasya kung magtutuloy ang
pagbabago. Tandaan lang po natin, ito ang aking ikalimang SONA; isa na lamang ang
natitira. Sa 2016, pipili kayo ng bagong pinuno ng ating bayan. Ang sa akin lang po:
Para ipagpatuloy at mas mapabilis pa ang pagbabagong tinatamasa na ng ating
lipunan, iisa lang ang batayan sa pagpili ng papalit sa akin: Sino ang wala ni katiting na
dudang magpapatuloy sa transpormasyong ating isinakatuparan? [Palakpakan]
Kayo po ang Boss, kayo ang lakas, kayo ang gumagawa ng pagbabagokaya kayo rin
ang magpapatuloy nito. Nasasainyo kung paanong isusulat sa kasaysayan ang mga
panahong ito. Maaari itong maalala bilang tuktok ng ating tagumpay, bilang magandang
simulaing nasayang lang. Pero mas maganda pong di-hamak kung maalala ang mga
nagawa natin bilang simula pa lang ng ating mahabang paglalakbay tungo sa katuparan
ng mas matatayog pang pangarap.
Noong minungkahi po ng ilang mga grupo na akoy tumakbo, ang sabi nila sa akin, hindi
namin inaasahan na lutasin mo lahat ng problema ng ating bansa sa loob ng anim na
taon. Pero simulan mo na sana.Nakita naman ninyo kung saan tayo nanggaling, at
nakita naman ninyong lampas-lampas pa sa ating mga pinangarap noong simula ang
tinatamasa natin ngayon.
Pinapanday na natin ang sistema kung saan talagang patas ang laban; kung saan ang
sumusunod sa patakaran ay nakakarating sa nais niyang paroonan; kung saan may
tunay na kumpetisyong nagbubukal ng pagkakataon at malawakang kaunlaran; kung
saan ang lahat ay may kakahayang panghawakan ang sariling kapalaran. [Palakpakan]
Abot-kamay na ang isang lipunang kayang sumalo, umaruga sa mga nasa laylayan;
kung saan ang bawat isa ay kumikilala sa kanyang tungkulin sa kapwa at sa bayan;
kung saan tuloy-tuloy at walang hanggan ang pakikiambag at sama-samang pag-angat
ng sambayanan.
Papalapit na po talaga tayo sa minimithi nating kinabukasan, kung saan naghahari ang
katarungan, at tunay pong walang maiiwan.
Ito ang resulta ng reporma, at ito ang ipinaglalaban natin, at patuloy pang ipinaglalaban:
Hindi ang pagpapanatili ng nakasanayan, kundi ang pagbabago ng sistema para
makinabang ang lahat. [Palakpakan]
Mga Boss: Binigyan ninyo ako ng pagkakataong pamunuan ang transpormasyon. Kung
hinindian ko ang hamon na iniharap niyo sa akin, para ko na ring sinabi na tutulong
akong pahabain ang inyong pagdurusa, at hindi maaatim ng konsensya ko iyon. Kung
tinalikuran ko ang pagkakataon, parang tinalikuran ko na rin ang aking amat ina, at ang
lahat ng inialay nila para sa atin; hindi po po mangyayari iyon. Sa paghakbang sa tuwid
na daan, pinili ninyo ang mabuti at ang tama; tumotoo kayo sa akinat ako naman po
ay tumototoo sa inyo. [Palakpakan]
Ang transpormasyong tinatamasa natin ngayon, ay magagawa nating permanente sa
gabay ng Panginoon. Hanggat buo ang ating pananalig at tiwala, at hanggat nagsisilbi
tayong lakas ng isat isa, patuloy nating mapapatunayan na, the Filipino is worth dying
for [Palakpakan], the Filipino is worth living for, at idadagdag ko naman po: The
Filipino is definitely worth fighting for. [Palakpakan]
Alam po ni Vice President na noong 1987 magkasama kami. May kudeta, na-ambush
po tayo doon, at tapos noon eh pangalawang buhay ko na po ito. Hindi natin maiiwasan
mag-isip sa mga binubunggo natin, may araw kayang pag sasampa ka sa entablado,
may trabaho ring arawmay magtatagumpay bang maglagay ng bomba?
Magtatagumpay ba yung mga maiitim na balak ng atin pong mga katunggaling gusto
tayong ibalik sa maling kalakaran? At kung dumating nga ang panahong pong iyon, at
natapos na po ang ating pangalawang buhay, masasabi ko ho bang, okay na rin? At
sasabihin ko po sa inyo, mata sa mata, sa lahat po ng inabot natin, ako poy
masasabing kontento na ako. [Palakpakan]
Kontento na po ako dahil panatag ang kalooban ko, na kung ako poy mawala na dito,
marami po ang magpapatuloy ng ating tinahak na. Baka iyon lang po talaga ang papel
koumpisahan ito.
Nandiyan po ang mga taong tulad ni Cardinal Chito Tagle, at Ka Eduardo Manalo, at
tulad ni Brother Eddie Villanueva, Father Catalino Arevalo, at Father Jett Villarin, at ni
Bishop Jonel Milan, at si Sister Agnes Guillen, and Mae Salvatierra. Sila po sa sektor
relihiyoso, tuloy, itutuloy nila ang ating pong sinimulan. [Palakpakan]
Meron pong Aris Alip ng CARD na magtutuloy sa kanyang ambag sa pamamagitan ng
microfinance. Nandiyan po ang isang Alice Murphy at ang kanyang mga kasamahan sa
urban poor associates na talagang tutuluyan ang pangangalaga sa atin pong informal
settlers. [Palakpakan]
Nandiyan po ang ating mga sundalo at kapulisantalagang araw-araw naman pong
pinipililt gawin ang tama, tulad ng ating bagong Chief of Staff, ating mga Service
Commanders, mga sundalo ng Light Reaction Battalion, at ng JSOG.
Nandiyan rin po, siyempre, hanay niyong pinanggalingan kong mga pulitiko. May duda
ba na dadalhin tayo ni Senate President Franklin Drilon at Speaker Belmonte sa
tamang landas? [Palakpakan]
Naging pribilehiyo ko rin ho makipagtrabaho at makipag-ugnayan sa isang governor,
Alfredo Maraon ng Negros Occidental [palakpakan]. Hindi ko kapartido, pero palagay
ko naman po kasama na niya ako sa fans club sa tama niyang pamamalakad sa
Negros.
Mayroon rin tayong mga umaangat na bagong o mas bata sa aking pulitiko. Ayoko
naman ho sabihin na napakaluma ko nang pulitiko sa pagtukoy sa mga mas bata.
Mga taong tulad ni Mayor Jed Mabilog at ni Mayor Len Alonte [palakpakan].
Meron naman sa sektor, sabihin na nating mga culture tulad nina Noel Cabangon at ni
Ogie Alcasid na hindi pansarili lang ang iniintindi. [Palakpakan]
Gabi-gabi po, bago ako matulog, thank you at nakalampas pa ako ng isang araw. Kung,
sabi nga noong bata kami, finish or not finish, pass your paper eh dumating na sa
akin, palagay ko naman, naramdaman na ninyo kung anong pagbabagong karapatan
ng bawat Pilipinong mangyari. At bahala na kayong ituloy ito. [Palakpakan]
Mga Boss, kayo ang gumawa ng transpormasyong ating tinatamasa. Kayo ang susi ng
pagpapatuloy ng lahat ng positibong pagbabagong naabot natin. Buong-buo ang tiwala
ko, nasa eksena man ako o wala, tutungo ang Pilipino sa tama niyang kalalagyan.
Kaya, hanggang dito na lang po ako. Magandang hapon po sa lahat. Maraming salamat
sa inyo. [Palakpakan]

You might also like