You are on page 1of 4

Lupa, Pagkain, at Katarungan

Privilege Speech ni Anakpawis party-list Rep. Rafael Mariano


Enero 24, 2011

Noong nakaraang Sabado, ginunita ng mga magbubukid ang ika-24 na taon ng malagim na
trahedyang kumitil sa buhay ng 13 magsasaka sa tulay ng Mendiola. Nakaukit sa
kasaysayan ang trahedyang ito bilang Mendiola massacre ng Enero 22, 1987 sa panahon ng
administrasyon ng yumaong dating Pangulong Corazon Cojuangco - Aquino. Ginunita ng
mga magbubukid ang kabayanihan ng mga magsasakang nagbuwis ng buhay alang-alang sa
mithiing magkaroon ng isang tunay na reporma sa lupa.

Ipinapaabot ng Anakpawis party-list at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang


pinakamataas na pagsuludo kina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio
Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio,
Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez, at Roberto
Yumul - sila ang mga martir ng Mendiola massacre, mga martir ng dakilang pakikibaka para
sa tunay na reporma sa lupa.

Subalit, G. Speaker, mga kapwa Kinatawan, 24 na taon na ang nakakaraan, nananatiling


mailap pa rin ang hustisya sa mga biktima ng masaker sa Mendiola. Wala pa ring tunay na
reporma sa lupa, wala pa ring katarungan para sa mga biktima. Ngunit nagpapatuloy ang
laban para sa lupa.

Ang masaklap pa G. Speaker, sa harap ng kawalan at pagbalewala sa kanilang mga lehitimo


at makatarungang kahilingan ay lalupang tumindi at sumahol ang pagsasamantala’t pang-
aapi sa masang magbubukid. Isinubasta ang kanilang lupa sa dayuhan at ipinaloob ang
sector ng agrikultura sa mga di pantay at maka-isang panig na kasunduan tulad ng General
Agreement on Tariffs and Trade – World Trade Organization at itinuon ang direksyon ng
sektor sa kabuuang balangkas at iskema ng globalisasyon.

Sa nagdaang 24 na taon, tumindi pang lalo ang pangangamkam sa lupang binubungkal ng


mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang pakana, kapwa ng mga dayuhan at lokal na
malalaking panginoong maylupa. Kaliwa’t kanan ang kumbersyon ng mga lupang
agrikultural tungo sa ibang gamit o land use conversion. Isang matingkad na halimbawa, G.
Speaker, mga kapwa Kinatawan, ang mga dating luntiang palayan na pinagtataniman ng
mga gintong butil ng palay sa mga lalawigan ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan ay
tinayuan ng mga planta para sa semi-manufacture at assembly, mga pook-libangan ng mga
dayuhan at iilan. Ayon mismo sa National Statistics Office (NSO), as of 2002 pa lamang
mahigit 800,000 ektarya na ang nai-convert.

1
Higit pang itinuon ang produksyong agrikltural sa pangangailangan ng tinatawag na
“globalisasyon ng malayang pamilihan” o “free market globalization” na ang ibig sabihin ay
ang todo-todong deregulasyon, liberalisasyon, at pribatisasyon ng agrikultura at ekonomya.
Sa pamamagitan ng mga patakarang ito, ibayong piniga ang lakas paggawa ng mga
magsasaka upang lumikha ng labis na hilaw na materyales habang pinananatili namang
bansot at atrasado ang produksyon at ang kakarampot pang pondong inilaan na para sana
sa mga magsasaka at agrikultura ay napupunta sa korupsyon. Kasabay nito ay iniasa na
lamang sa pag-aangkat o importasyon ang pangangailangan ng bayan para sa mga
produktong pagkain. Isa sa mga unang kaswalti ng liberalisasyon, deregulasyon at
pribatisasyon sa agrikultura ay ang ating lokal na produktong bigas.

Opo, G. Speaker, bigas – ang pangunahing pagkain ng sambayanang Pilipino. Noong isang
linggo, sa anibersaryo ng Partido Liberal, isiniwalat ni Pangulong Benigno Simeon
“Noynoy” C. Aquino III ang umano’y kumopo o naka-corner sa over-importation at
overpricing ng imported na bigas ng nagdaang administrasyong Arroyo.

Ayon sa pangulo: “(Administrator Lito Banayo) is puzzled why the manager’s checks of
those who were given a chance to import came from only one bank... And it allegedly
doesn’t stop there. The checks were in sequential order. It appears that only one group or
one person benefited there.”

Ikalawang beses na po ito na mismong si Presidente Aquino ang nagsalita hinggil sa over-
importation ng bigas. Ang una ay sa nakaraang State of the Nation Address niya noong
isang taon.

G. Speaker, patingi-tingi, bitin at mala-telenobela. Hindi tinutumbok ng Presidente kung


sino ang salarin at ano ang tunay na dahilan ng P177 billion pagkabaon sa utang ng
National Food Authority (NFA).

Kasunod ng pahayag ng Pangulo ay ang mabilis na pahayag ni Budget Secretary Florencio


Abad sa isang porum na inorganisa ng Financial Executives na i-devolve ang tatlong (3)
functions ng NFA. Aniya, “the first one (subsidy function) can be best done by the
Department of Social Welfare and Development (DSWD) through the Conditional Cash
Transfer program.”

Para naman sa procurement function ng NFA, ayon sa Kalihim, “there is an emerging


consensus to bring in private sector in the trading.” At ang regulatory function naman ay
ililipat na lamang sa isang unit ng Department of Agriculture.

G. Speaker, lubhang nakakabahala ang pahayag na ito ni Secretary Abad sapagkat


nangangahulugan ito ng abolisyon ng NFA.

Una, sa usapin ng pagpasok ng pribadong sector sa procurement ng palay at batay sa


karanasan naming mga magsasaka, labis na binabarat ng mga private traders ang aming
produktong palay. Sa katunayan, wala pang 2 porsyento ng kabuuang ani o kabuuang
2
produksyon ng palay ang binibili ng NFA kada taon. At, sa panahon ng anihan, di hamak na
mas mahal pa ang kilo ng darak (rice bran) kaysa sa isang kilong palay (unhusked rice).

Ikalawa, sa usapin ng subsidyo, obligasyon ng gobyerno sa kanyang mamamayan na


magkaroon ng abot-kayang presyo ng bigas. Hindi ang paglalaan ng dole-out na CCT na
magpapasidhi sa kultura ng pagiging palaasa o panlilimos at hindi re-resolba sa ugat ng
kahirapan ng mamamayan.

Ikatlo, tiyak na magre-resulta din ang planong ito sa pagkatanggal sa trabaho, pagkawala ng
hanapbuhay ng mahigit 5,300 mga kawani ng NFA at pagsadlak sa kahirapan ng kanilang
pamilya.

G. Speaker, hindi solusyon ang todo-largang pribatisasyon tungong abolisyon ng NFA sa


problema ng malalang korupsyon at irregularidad sa kalakalan at distribusyon ng pagkaing
butil sa bansa. Hindi ba’t mas matinding korupsyon na maituturing pa nga na, sa
pamamagitan ng abolisyon ng NFA ay tuluyan ng aabandonahin ng gobyerno ang tungkulin
nitong suportahan ang mga magsasaka’t tiyakin ang abot-kayang presyo ng bigas at
seguridad sa pagkain para sa mamamayan?

G. Speaker, mga kapwa kinatawan, ang patakaran ng todo-todong liberalisasyon,


deregulasyon at pribatisasyon sa sector ng lokal na agrikultura ang siyang pangunahing
salarin.

Ang patakaran ng labis-labis na importasyon ng bigas ay higit na nagsadlak sa mga


magsasaka sa kahirapan. Nagbunga ito ng malawakang kumbersyon ng lupa , pagpapatalsik
sa magsasaka mula sa lupa, at ibayong nagpako sa presyo ng aming produkto at nagpasirit
paitaas sa presyo ng bigas na halos hindi maabot ng buong Sambayanan.

G. Speaker, mga kapwa Kinatawan, ang patakarang ito ng labis-labis na importasyon ng


bigas ang pangunahing salarin kung bakit nakalubog sa P177 bilyong pagkakautang ang
NFA. Ang patakarang ito na nagpapasok at nagkakanlong sa mga pangunahing salarin sa
overpricing ng imported na bigas at sa talamak na korupsyon sa ahensya.

Ayon mismo sa NFA Employees’ Association o NFA-EA – COURAGE sa isang pahayag noong
January 14, 2011, “When the Arroyo administration under the NFA’s ‘Farmers as
Importers Program’ allowed businesses in the guise of pseudo-farmers cooperatives to
import as much as 200,000 metric tons, the government in turn shouldered the fees, tariffs
and other costs. The overpriced and overimported rice ended up not on the warehouses of
the government but on the rice cartels and the commissions and kickbacks on government
officials’ pockets.”

G. Speaker, mga kapwa Kinatawan, ito ang mga dahilan kung bakit nagtataka kami kung
bakit hindi magawang sabihin ng Pangulo ang pangalan ng sinasabi niyang isang tao o
grupo na nakinabang sa patakarang ito. Hindi masisisi ni Pangulong Aquino ang mga
magsasaka na hamunin siyang i-prosecute ang mga salarin sa patakarang ito na nagpahirap
3
at ibayong nagsadlak sa kahirapan sa masang magsasaka. Kung hindi niya kayang
pangalanan ang mga salarin, ano pa kaya ang pag-prosecute sa kanila at bigyan ng
katarungan ang magsasaka at mamamayan?

G. Speaker, mga kapwa Kinatawan, katarungan ang sigaw ng mga magbubukid noong Enero
22, 1987 sa panahon ng unang administrasyong Cojuangco-Aquino. Dalawampu’t apat (24)
na taon na ang nakalipas, katarungan pa rin ang sigaw ng mga magbubukid sa panahon ng
ikalawang administrasyong Cojuangco-Aquino. Tunay na reporma sa lupa pa rin ang
masidhing kahilingan ng masang magbubukid. Tunay na reporma sa lupa na babasag sa
malalawak na lupain at libreng ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Tunay na reporma
sa lupa na babasag sa mga Hacienda katulad ng Hacienda Luisita sa Tarlac, Hacienda Looc
sa Batangas, Araneta Properties sa hangganan ng San Jose Del Monte Bulacan at Rodriguez,
Rizal, Hacienda Yulo sa Laguna, Hacienda San Antonio at Sta. Isabel sa Isabela, at sa mga
Hacienda ni Danding Cojuangco sa isla ng Negros, at iba pang malalawak na lupain sa ating
bansa.

G. Speaker, nakahain ngayon sa Kongreso ang tunay na solusyon sa suliranin sa lupa o ang
House Bill 374 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at ang House Bill 3105 o ang Rice
Industry Development Act na magpapalakas ng produksyong ng palay at magtitiyak sa
seguridad sa pagkain ng mamamayang Pilpino. Ang dalawang (2) panukalang batas na ito
ang magsisilbing matibay na pundasyon ng lokal na sector ng agrikultura.

Ang pagpapatupad ng Tunay na Reporma sa Lupa ay magtitiyak na makakamit ng masang


magsasaka ang kasapatan sa pagkain ng mamamayang Pilipino, magtitiyak na hindi na tayo
mag-aangkat ng pagkain, at magtitiyak sa sariling karapatan at seguridad sa pagkain ng
ating bansa.

Maraming salamat, G. Speaker, mga kapwa kinatawan. Magandang hapon. ###

You might also like