Professional Documents
Culture Documents
Ang pagtaas ng pasahe ay mula 25% hanggang mahigit 50% sa malalapit na byahe at hanggang
100% naman sa mas mahahabang byahe.
Sa bagong fare matrix, tatlo na lang ang pasahe ng single-journey tickets ng LRT 1 - ang
minimum na P15, P20 at maximum na P30 (hal. mula Baclaran station papuntang Tayuman at sa
mga susunod na istasyon hanggang Roosevelt). Sa LRT 2, ang minimum ay P15, P20 at
maximum na P25 (hal. mula Recto station papuntang Anonas, Katipunan at Santolan).
Para sa mga gumagamit ng stored value tickets, magkakaroon ng minimum na boarding fee na
P11 at dagdag na piso para sa kada kilometro. (Tignan ang Talaan 1 at 2.)
Wala pang bagong fare matrix para sa MRT pero inaasahang gagamitin din ang iskemang P15-
P20-P30. Ibig sabihin, ang kasalukuyang minimum pasahe na P10 mula North Avenue
papuntang Quezon Avenue ay magiging P15 na, habang ang maximum pasahe na P15 mula
North Avenue hanggang Taft Avenue ay magiging P30 na.
Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26, 2010, ipinahiwatig na ni
Pangulong Noynoy Aquino ang posibleng pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. Sinabi nitong
“pinilit” ng administrasyong Arroyo ang noo’y pribadong opereytor ng MRT na panatilihing
mababa ang pasahe para magpabango sa publiko kaya diumano nalugi ang operasyon nito.
Agad itong sinundan ng pahayag ng DOTC na “hindi na mapipigilan” ang pagtataas ng pasahe sa
LRT at MRT.
Maliwanag na simula’t sapul ay desidido na ang administrasyong Aquino na itaas ang pasahe sa
LRT/MRT. Ang itinakdang “public consultation” ng LRTA ay lumalabas na pakitang tao na
lamang upang huwag masabing hindi isinangguni sa mga mananakay ang pagtataas.
Ang MRT at LRT ang pinakamura at epektibong moda ng transportasyon sa Metro Manila. Sa
pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, tinatayang mahigit 1.2 milyong Pilipino na araw-araw
sumasakay dito ang maaapektuhan: mga estudyante, manggagawa at empleyado. Lalo nitong
paliliitin ang kakarampot na kita ng mahihirap na mamamayan ng bansa na gumagastos na ng
humigit kumulang 10% ng kanilang minimum na sahod sa transportasyon.
Ayon sa pag-aaral ng Mega Manila Public Transport Study 2007, 67.7% ng pasahero ng LRT at
MRT ay kumkita lamang ng mas mababa sa P10,000 kada buwan. Nakababahala ring halos 15%
ng regular na mananakay nito ay wala namang kinikita – ibig sabihin, mga estudyante o kaya
naman ay walang trabaho. (Tingnan ang Talahanayan 3)
Sila ang papasan nang husto sa mabigat na pagtataas ng pasahe. Sa P15 na dagdag pasahe
(single-journey) sa isang araw, aabot sa P220 hanggang P390 ang karagdagang gastos ng mga
komyuter sa isang buwan. Sa P30 naman na dagdag pasahe sa isang araw (P15, balikan), aabot
sa P660 hanggang P780 ang dagdag na gastos ng komyuter kada buwan. Ibig sabihin din nito na
ang pinakamahal na pasahe sa MRT/LRT na P60 (single-journey, balikan) ay kakain na ng halos
15% hanggang mahigit 16% ng minimum na arawang sahod ng mga manggagagawa sa Metro
Manila.
Bagama’t sinasabi ng LRTA na mas makakamura nang kaunti ang mga pasaherong gagamit ng
stored-value ticket, 70% ng pasahero ng LRT at MRT ay gumagamit ng single-journey ticket ayon
pa rin sa pag-aaral na Mega Manila Public Transport Study 2007.
Para sa mga gumagamit ng stored-value tickets, may malaking epekto rin ang pagtaas. Kung
dati ang P100 card ay sapat para sa 7 sakay mula Baclaran hanggang Carriedo (sa halagang
P14/byahe), sa ilalim ng bagong pasahe, 5 sakay na lang ito magagamit (sa halagang
P19/byahe).
Ayon sa DOTC, magiging mas mura pa rin ang magiging singil sa LRT at MRT kumpara sa pasahe
sa bus. Pero kung kukwentahin ang average na pasahe sa mga bus at bagong pasahe sa LRT,
magiging mas mahal na ito ng hanggang mahigit P4 kumpara sa pasahe sa bus. (Tingnan ang
Talahanayan 4)
Balak bawasan ng gobyerno ang diumano’y “subsidyo” nito para sa komyuter. “Lugi” daw kasi
ang gobyerno sa laki ng taunang subsidyong inilalaan nito na umaabot sa halos P9 bilyon para
sa LRT 1 at 2 at P7 bilyon naman sa MRT. Sa kaso ng MRT, P15 lang ang maximum na pasahe
samantalang aabot daw sa P60 diumano ang aktwal na halaga ng pasahe. Sa kaso naman ng LRT
1 at LRT 2, P15 ang maximum na pasahe samantalang nasa P35.77 at P60.75 ang diumano’y
aktwal na halaga nito. Pinupunuan daw ng gobyerno ang diperensya sa kasalukuyang halaga ng
pasahe at “aktwal” na halaga nito.
Hindi pa nagbibigay ng aktwal na komputasyon ang DOTC at LRTA kung paano nila natantya ang
sinasabing tunay na halaga ng pasahe na siyang basehan ng diumano’y subsidyo ng gobyerno
Pero inaamin ng ilang opisyal ng mga naturang ahensya na ang pinakamalaking bahagi ng
sinasabing subsidyo ay napupunta sa mga pinagkakautangang dayuhang bangko ng LRT at MRT.
Katunayan, kung operation at maintenance cost lang daw at walang binabayarang utang,
kayang punuan ng kasalukuyang revenues ng LRT at MRT ang gastos ng pamahalaan at hindi
kailangang magtaas ng pasahe. Sa
madaling salita, papatawan ng full-cost
recovery ang mga mananakay upang
direktang pasanin ang pambayad-utang
sa LRT at MRT sa kabila ng katotohanang
binabayaran na ng taumbayan ang mga
utang na ito sa pamamagitan ng buwis.
Hindi raw tamang gamitin ang buwis para subsidyo sa LRT at MRT gayong di naman lahat ng
taxpayers ay sumasakay rito. Kung sino lang daw ang sumasakay, siya ang dapat magbayad – o
ang prinsipyong “users pay”. Mali ang pangangatwirang ito. Para na ring sinabi nila na hindi
dapat bigya ng subsidyo ang UP dahil di naman lahat ay nag-aaral dito, o ang PGH dahil di
naman lahat nagpapagamot dito. Sa ganitong baluktot na katwiran, di na rin dapat magtayo ng
tulay at kalsada sa Visayas at Mindanao dahil ginagamit din dito ang buwis na binabayad ng
mga taga-Luzon.
BAKIT MAY MATIBAY NA BASEHAN UPANG HUWAG ITAAS ANG PASAHE SA MRT/LRT?
Ang orihinal na layunin kung bakit itinayo ang LRT 1 noong 1981 – ang pinakaunang light rail
system sa Metro Manila – ay upang makapagbigay ang gobyerno ng maasahan at abot-kayang
moda ng mass transportation. Itinatag ang LRTA noong 1984 hindi upang magnegosyo at
tumubo kagaya ng mga pribadong korporasyon kundi upang tiyakin ang paglalatag ng
kinakailangang imprastruktura sa transportasyon para sa mamamayan at ekonomya. Sa
kasaysayan ng LRTA, noon lamang 2005 ito nakapagtala ng kita na P68 milyon o pagkatapos ng
mahigit dalawang dekada mula nang ito ay maging operational.
Pero hindi ito kakaiba para sa isang GOCC na nagpapatakbo ng imprastruktura dahil ang
sukatan ng pakinabang nito ay hindi ang tubo kundi ang pangkalahatang economic at social
benefits na ibinibigay ng pampublikong imprastruktura gaya ng MRT at LRT. Sa pag-aaral na
ginawa ng US Federal Geographic Data Committee (FGDC), sinabi nitong ang sub-zero return on
investment (o ROI, isang popular na sukatan ng profitability) ay hindi masama para sa isang
proyektong pang-imprastruktura na pinatatakbo ng estado dahil lumilikha ito ng mga bagong
kapasidad para sa ekonomya at buong lipunan.
Sa madaling sabi, dapat ituring ng administrasyong Aquino ang binabanggit nitong pagkalugi sa
LRT at MRT bilang public investment – katulad ng dapat ginagampanan nito sa pagsubsidyo sa
murang bigas ng NFA, sa mga pampublikong ospital at eskwelehan, kalsada, mass housing,
utilities at iba pa. Dagdag pa, lumalabas din ayon sa pahayag ng ilang opisyal ng DOTC at LRTA
na kahit hindi magtaas ng pasahe ay kayang tugunan ng rail revenues ang operation and
maintenance ng LRT/MRT pero kinakapos ito dahil sa utang sa mga dayuhang bangko.
Kaya dapat ding maipaliwanag kung bakit lumulobo nang husto ang mga utang at sino ang
nakikinabang dito habang pilit ipinapasa ang bigat ng pagbabayad sa ordinaryong mamamayan.
(Tingnan ang Kasong Aralin ng MRT)
Lumalabas na kung gugustuhin ng administrasyong Aquino, dahil kontrolado nito ang MRT/LRT
bilang pampublikong imprastruktura,
kayang kaya nitong gawan ng paraan na
huwag magtaas ng pasahe. Isang
paraan ang pagrebyu sa mga utang at
pakikipagnegosasyon sa mga creditor
upang maibsan ang debt burden ng
MRT/LRT. Ang pagkansela sa
pagbabayad-utang sa mga maanomalya
at mapangwasak na proyekto labas pa
sa MRT/LRT ay dapat ding seryosong
ikinukunsidera upang kahit papaano’y
lumuwag ang pinansya ng gobyerno at
matustusan ang mga pangangailangan
ng mamamayan at ekonomya.
KUNG GAYON, BAKIT ATAT NA ATAT ANG ADMINISTRASYONG AQUINO NA ITAAS ANG
PASAHE?
Isa sa mga pangunahing proyekto ng Aquino administration para sa PPP ang LRT 1 at 2 at MRT.
(Tingnan ang Talahanayan 5) Target ng gobyerno na i-extend pa ang mga nasabing linya at
pagdugtung-dugtungin at paglaon ay ibibigay ang operasyon nito sa pribadong sektor. Pero
magiging higit na kaakit-akit lamang ito sa mga pribadong korporasyon kung itataas ang pasahe
bukod pa sa mga insentibong handang ibigay ng gobyerno.
Ang mga PPP projects ni Aquino ay lubha ring aasa sa mga dayuhang bangko, kabilang na ang
pagtustos sa ipatutupad nitong regulatory risk insurance guarantee. Dahil dito, magpapakitang
gilas ang pamahalaan sa kakayanan nitong magbayad kahit pa ang interes ng mamamayan ang
nasasakripisyo kagaya ng kaso sa MRT/LRT.
KASONG ARALIN
MRT: DAPAT BANG IPASA SA
KOMYUTER ANG UTANG AT
BIGAT NG GASTOS?
Ang “subsidy” sa gayon ay napupunta sa ilang dayuhan at lokal na bangko tulad ng Export-
Import Bank of Japan, Sumitomo Bank, at iba pa mula sa Japan at Czech Republic, at ng Bank of
the Philippine Islands (BPI).
Isang dahilan kung bakit nababaon sa utang ang pamahalaan ay ang sovereign guarantee na
ibinigay ng gobyerno ng Pilipinas sa mga namuhunan sa MRT. Bukod dito, inako din ng
gobyerno ang “commercial risks” ng operasyon ng MRT. Tiniyak ng gobyerno na makukuha ng
mga pribadong kumpanya ang 15% return on investment (ROI) kada taon, may pasahero man o
wala ang MRT. Ang pagbabayad ng ganitong mataas na ROI ay lalong nagbaon sa gobyerno sa
utang.
Ang problema sa pagkakautang na kinakaharap sa kasalukyan ng MRT, gayundin ng Napocor at
iba pang ahensya ng gobyerno ay bunga ng tinaguriang Public-Private Partnership (PPP) o ang
patakarang pribatisasyon. Ito pa man din ang ibinabandera sa kasalukuyan ni Aquino na siyang
tutugon sa depisito sa badyet ng pamahalaan at sa pangangailangan ng sambayanan. Pero sa
karanasan, ang PPP ay hindi naman talaga “partnership” kundi isang paraan ng pagsasapribado
ng mga pampublikong imprastraktura at serbisyo habang papasanin ng gobyerno ang
pangmatagalang problema ng utang.
Hindi na bago ang PPP, sinimulang ipatupad ito noong panahon ni dating Pangulong Cory
Aquino sa pamamagitan ng Republic Act No. 6957 upang aprubahan ang
funding, construction, operation at maintenance ng mga proyektong pampublikong
imprastraktura ng pribadong sector, lalo na ng pinakamalalaking dayuhan at lokal na kumpanya.
Sa panahon ni Pangulong Fidel Ramos ay naipakilala ang iba’t ibang mga iskema ng PPP maliban
sa build-operate-transfer (BOT), tulad ng build-lease-transfer (BLT), ang iskemang ginamit sa
pagtatayo ng MRT.
Sa laki ng utang ng gobyerno ay nahirapan itong bayaran ang 15% ROI, at napilitang bilhin ang
76% ng MRTC sa halagang US$800 milyon sa pamamagitan ng Landbank of the Philippines at
Development Bank of the Philippines. Syempre pa, taumbayan din ang papasan ng gastos na
ito, habang sa kabilang banda ay tiyak na ang kita ng mga investors.
May mga malaking gastos din ang MRTC na maituturing na kwestyunable, halimbawa na lang
ang buwanang maintenance nito. Isang pribadong kumpanya din – ang TES Philippines
na subsidiary ng bangkong Hapon na Sumitomo na namuhunan sa MRT – ang namahala sa
maintenance ng MRT at binayaran ng US$2 milyon kada buwan.
Hindi rin malinaw kung ang mga malalaking negsoyo tulad ng mga malls na pag-aari ng Ayala
(Trinoma sa North Ave. at Ayala Mall sa Makati) ay nagbabayad ba ng sapat sa kabila ng
malaking pakinabang nila sa MRT at mga komyuter na dumadaan sa malls nila. Sa pag-aaral ng
JBIC, nasa 2.6% lang ang non-rail revenue ng LRT sa kabuang revenues nito.
Sa pagtataas ng singil sa pasahe sa MRT at LRT ay nakaamba na rin ang posibilidad ng muling
pagsasapribado ng MRT. Mabibigyang katwiran kasi nito ang tuluyang pag-aalis sa subsidy ng
pamahalaan, gayundin ay pinapaganda ang imahe ng MRT bilang isang kumikitang negosyo
para sa mga dayuhan at lokal na mamumuhunan. Tuluyan nitong tatalikuran ang konsepto ng
sistema ng pampublikong transportasyon at ng pampupublikong imprastraktura at serbisyo.
Hindi dapat ipasa sa mamamayan ang bigat ng mga utang na hindi naman tayo ang may
kasalanan. Dapat ding tignang leksyon ng gobyerno ang bigong modelo na ito ng PPP bilang
patunay na ang pribatisasyon ay nangangahulugan lamang ng lalong pagkabaon sa utang ng
gobyerno at ibayong pasanin sa ordinaryong mamamayan.