You are on page 1of 6

SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA

Privilege Speech
Anakpawis Partylist Rep. Rafael V. Mariano
May 10, 2011

Mr. Speaker, honorable colleagues, I rise on a matter of personal


and collective privilege upang ihayag ang ilang mahahalagang
usapin ng mga manggagawang Pilipino.
Noong Mayo Uno 2011, ipinagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng
Paggawa at naging malakas ang panawagan ng mga obrerong
Pilipino sa buong bansa para sa makabuluhang dagdag na sahod at
pagbaba ng presyo ng mga bilihin.
Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, napapanahon na ang
pagbibigay ng makabuluhang dagdag sahod. Hindi na makaagapay
ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa sa walang tigil na
pagtaas ng presyo ng mga bilihin, serbisyo at produktong petrolyo.
Nakapako ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawang
Pilipino mula 1980 hanggang sa kasalukuyan dahil sa pananalasa ng
neoliberal na globalisasyon at dahil na rin sa mga batas na
ipinatupad ng gobyerno. Patuloy ang pagbaba ng tunay na halaga
ng sahod dahil na rin sa ipinatupad ni Gng. Corazon C. Aquino na
anti-manggagawang Herrera Law (R.A. 6715) at Wage
Rationalization Act of 1989 (R.A. 6727).

Lahat ng mga nagdaang administrasyon mula kay Marcos ay


nagbigay lang ng barya o mumong umento sa sahod ng mga
manggagawa. Noong panahon ni Gng. Corazon C. Aquino, nagtaas
ng P82 ang sahod, P16 noong administrasyon ni G. Ramos, P22 sa
termino ni dating Pangulong Estrada. Pinakamaliit ang naibigay ng
rehimen ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na may tunay na halaga

1
lamang na P5 piso. Sa ilalim ni Pangulong Noynoy Aquino ngayon ay
wala pang dagdag sahod.

Ang tunay na halaga ng sahod noong Pebrero 2001 sa simula ng


termino ni Gng. Arroyo ay nasa P237, sa pagbaba niya sa pwesto
noong Hunyo 2010, ang tunay na halaga ng sahod ay P242. Ibig
sabihin, sa halos isang dekada, P5 lang ang itinaas ng tunay na
halaga ng sahod. Nitong Pebrero 2011 ang tunay na halaga ng
sahod ay nasa P235 na lamang.

Higit na nabalewala ang limos na ibinigay ng mga regional wage


boards sa nakaraang taon dahil kinain ito nang buong-buo ng
sunud-sunod na pagtaas ng mga bilihin, singil sa pamasahe, singil
sa mga yutilidad gaya ng tubig, kuryente, singil sa toll fee at iba
pang dagdag na bayarin sa pag-upo ni Pangulong Aquino.

Ngayon, nag-anunsyo ng P22 Cost of Living Allowance o COLA. Ang


tunay na halaga lang nito ay P12.35 ayon sa April 2011 Consumer
Price Index. Saan makakarating ang P22?

Sa kasaysayan mula nang itayo ang wage boards sa bisa ng Wage


Rationalization Act of 1989, puro baryang dagdag-sahod na hindi
lalampas sa P26 lang ang natanggap ng mga manggagawa sa iba’t
ibang rehiyon. Karamihan pa sa mga wage order na inaprubahan ay
pagtataas lamang sa emergency cost of living allowance (ECOLA) sa
halip na pagtataas sa basic pay ng mga manggagawa. Kapag
ECOLA, walang pagbabago sa basic pay, 13th month pay, maternity
leave, retirement pay, separation pay at iba pang kaakibat na
benepisyo.

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, ngayon sa ilalim ni


Pangulong Noynoy, tila walang balak na magbigay ng makabuluhang
dagdag sahod. Nagkoro na rin ang mga grupo ng employer ng
pagtutol sa makabuluhang dagdag na sahod.

Sa halip na dagdag sahod, iminungkahi ng Employers Confederation


of the Philippines (ECOP) na stipend na lang ang ibigay ng wage
board na nagkakahalaga ng P13.35. Kahit pamasahe papunta sa
trabaho at pauwi sa bahay ng mga manggagawa ay hindi kakasya
ang P13.35!

2
Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, malinaw ang kalakaran –
patuloy na sumasadsad ang sahod ng mga manggagawa.

Kung susuriin ang mga datos na inilalabas ng Yearbook of Labor


Statistics Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES),
makikitang mas bumaba ang halaga ng tunay na halaga ng sahod.
Ang index of compensation o ang sukatan ng tunay na halaga ng
sahod at mga benepisyo na naitala sa 112.9 noong 2009 ay
kapareho lang ng antas noong 1995.

Sa kasalukuyan, batay sa pinakahuling datos ng BLES, ang


karaniwang sahod kada araw sa construction sector ay P282.50.
Nasa P257.71 naman ang karaniwang arawang sahod sa wholesale
at retail trade habang aabot sa P515.55 ang karaniwang sahod ng
mga empleyado sa financial services subsector. Sa non-agricultural
industries, nasa P325.82 lang kada araw ang natatanggap. Higit na
mababa sa sektor ng manufacturing na nasa P300.42 lang habang
P231.01 lang ang arawang sahod ng mga manggagawa sa sektor ng
pagmimina at quarrying.

Malayo kumpara sa umiiral na pinakamataas na minimum wage na


P404 sa National Capital Region ang daily cost of living na P957 para
sa isang pamilyang may anim na miyembro. Kahit pa dalawa ang
kumikita sa isang pamilya, hindi sasapat para sa mga batayang
gastusin. Kulang ng P533 ang kasalukuyang sahod para maabot ang
tinatawag na ‘living wage.’

Mr. Speaker, mga kapwa ko kinatawan, ang mga manggagawa sa


sektor ng agrikultura ang siyang nakakatanggap ng
pinakamababang sahod sa buong bansa.

Patuloy din ang pagpapatupad ng wage freeze policy kahit sa mga


kumpanyang may mga umiiral na unyon at Collective Bargaining
Agreements o CBA.

Ang patuloy na pagbulusok ng halaga ng sahod ay dulot ng


patakarang LAPIDA o liberalisasyon na nagdudulot ng pagbaha ng
imported na kalakal at pumapatay sa mga lokal na negosyo,
pribatisasyon na nag alis ng kontrol sa mga yutilidad gaya ng tubig
at kuryente at deregulasyon na dahilan ng pagsirit ng presyo ng
langis.
3
Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, sinagasaan ng walang tigil
na oil price hike ang mamamayan. Ngayong taong 2011, may
labing-apat (14) na beses nang nagtaas ang presyo ng produktong
petrolyo. Ang average na presyo ng diesel ay P48 kada litro, ang
gasolina ay P58 kada litro at ang LPG na ginagamit ng maraming
household ay nagkakahalaga ng P700-P800 kada 11-kilogramong
tangke.

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, sa halip na pigilan ang


pagka ganid ng Shell, Chevron, Petron, Total, Flying V at iba pang
kumpanya ng langis, inaprubahan ng Palasyo ang Executive Order
32 series of 2011 o Pantawid Pasada – panibagong subsidyo para sa
mga jeepney driver at iba pang bulnerableng sektor. Subalit ang
kakarampot na subsidyong ito ay kakainin lang ng pinakahuling
pagtaas ng presyo ng langis na P1.40 kada litro.

Mr. Speaker, pinakamabilis na paraan sana upang mapababa agad


ang presyo ng langis ay ang pagtatanggal ng VAT sa petrolyo,
gayundin ang pagbabasura sa patakarang deregulasyon sa
industriya ng langis. Subalit ang nilalaman ng Labor Day address ng
Pangulo ay hindi umaayon dito.

Habang nakapako ang sahod ng mga obrero, kabilaan naman ang


pagtaas ng presyo. Noong Enero, nagtaas ng singil sa toll sa South
Luzon Expressway (SLEX), North Luzon Expressway (NLEX) at
Subic-Clark Tarlac Expressway (SCTEX). Noong Pebrero, nagtaas ng
singil sa tubig ang Manila Water Co. ng P1.92 kada cubic meter at
ang Manynilad ng P2.30 kada cubic meter sa mga residential
customer. Sa parehong buwan, nagtaas din ng singil sa kuryente
ang Manila Electric Co. (Meralco) patungong P4.86 kada kilowatt-
hour (kWh). Nitong Mayo, magtataas uli ang singil ng Meralco
patungong P5 per kWh.

Maging ang mga pagkain – bigas, tinapay, de lata, mantika, asukal,


gatas, itlog, karne, gulay at iba pang pangunahing bilihin ay hindi na
rin abot kaya ng masa. Pati ang instant noodles na staple food o
karaniwang pagkain ng mga maralita ay mataas ang presyo.

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, marami sa ating mga


kababayan ang nagugutom at nahuhulog sa kumunoy ng kahirapan
4
dahil sa mga pagtaas ng presyo at kawalan ng makabuluhang
umento.

Sa kabila nito, ang mga malalaking negosyo at kumpanya ay


patuloy na kumikita at nagrerehistro ng lumolobong tubo.

Noong 2010, umabot sa 15.56 bilyong dolyar o P669 bilyong piso


ang pinagsama-samang yaman ng sampung pinakamayayamang
Pilipino kabilang sina Henry Sy, Danding Cojuangco, Lucio Tan, at
Jaime Zobel de Ayala. Katumbas ito ng minimum na sahod ng
mahigit 5.3 milyong manggagawa sa loob ng isang taon!

Noon ding 2010, mahigit doble ang inilaki ng netong kita o net
income ng San Miguel Corporation, pag-aari ni Danding Cojuangco,
patungong P20.1 bilyon. Kung pagsasamahin ang tubo ng mga yunit
nito tulad ng alak, pagkain, packaging at power generation, aabot
ang consolidated revenues nito sa P205.3 bilyon.

Mr. Speaker, lumaki ang kita ng SM Investment Corporation, Ayala


Corporation, at Metro Pacific Investments Corp. kung saan may
shares o sapi ang Meralco, Maynilad, North Luzon Expressway
(NLEX) at mga pribadong ospital.

Ang mga kumpanya ng langis ay palagiang nasa unang sampu ng


Top 1000 Corporations in the Philippines at nagrerehistro ng
lumalaking tubo taun-taon.

Halos nadoble ang tubo ng top ten corporations sa loob ng isang


dekada, mula P575.97 bilyong piso noong 1999 patungong P1.26
trilyong piso noong 2008. Patunay ito na malaking kasinungalingan
ang sinasabi ng mga kapitalista at employer na hindi nila kakayanin
na magbigay ng makabuluhang dagdag sahod.

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, kahit sinong manggagawa


ang tanungin natin ngayon ay magsasabing kagyat na dapat
ipatupad ang isang makabuluhang dagdag sahod.

Higit pa sa pangkabuhayang pangangailangan, ang usapin sa


makabuluhang dagdag sahod ay usapin ng panlipunang hustisya o
social justice. Marapat lamang na ang mga manggagawang
lumilikha ng yaman ng bansa ay magtamasa ng kanyang nililikha.
5
Hindi sapat ang mga subsidyo upang maitawid ang pang-araw araw
na kabuhayan ng mamamayan.

Sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda, nanatiling


pundamental na usapin at pangangailangan ng pagkakaroon ng
sariling lupa, kagamitan at kapital sa produksyon, mahusay at
makatarungang presyo ng kanilang produkto, sapat at nakabubuhay
na netong kita.

Kung kaya’t isang malaking insulto sa masang magsasaka ang


bagong rice subsidy na inanunsyo ng Pangulo noong Mayo Uno.

Magbibigay umano ng ayuda sa dalawang milyong mahihirap na


magsasaka at mangingisda para maka-agapay sa tumataas na
presyo ng pagkain at bilihin. Kung sino ang nagtatanim ng pagkain,
siyang walang makain. Nasaan ang pagiging matuwid sa kalagayang
ito?

Isang paalala sa mga wage boards, sa mga employer at sa gobyerno


- hindi pulubi ang mga manggagawa, huwag natin silang bigyan ng
limos. Ang kailangan nila ay nakabubuhay na sahod at hindi mga
panandaliang pantawid.

Umaasa ang Kinatawang ito na susuportahan ng Kongreso ang


panukalang legislated wage increase na nakahapag sa House
Committee on Labor and Employment. Lubhang kinakailangan ng
mga manggagawa at kanilang pamilya ang makabuluhang dagdag
sahod. Huwag sana nating biguin ang mga manggagawa. ###

You might also like